353 total views
Ito ang panawagan ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez sa mga taga-suporta ng bawat kandidato matapos ang halalan.
Pagbabahagi ng Obispo, nanalo o natalo man ang mga kandidatong sinusuportahan ng bawat isa ngayong eleksyon ay mas nararapat mangingibabaw ang pagmamahal sa bayan na makakamit lamang kung makikipagtulungan ang bawat mamamayan sa mga nahalal na mga bagong lingkod bayan.
“So sa mga supporters ng mga kandidato, kung nanalo ang ating mga kandidato patuloy natin silang suportahan para maging mabubuti silang mga lingkod ng ating bayan…”pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam sa Radio Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, mahalagang ipanalangin ng bawat Filipino ang kapakanan ng bayan partikular na ang mga bagong lider na mamumuno sa ating bansa.
Kaugnay nito umaasa ang Obispo, na dahil sa panalangin at pakikipagtulungan ng bawat mamamayan ay tunay na mamumulat at matapat na makapaglilingkod sa bayan ang mga bagong pinunong inihalal ng mga mamamayan.
Dagdag pa ng Obispo, dapat ring magbahagi ng panalangin ang bawat Filipino hindi lamang para sa bawat nanalong opisyal ng bayan kundi para sa kabuuang kinabukasan ng buog bayan sa susunod na anim na taon.
Kaugnay nga nito, sa kasalukuyan ilang mga lokal na opisyal na ang prinok-lama sa iba’t ibang lalawigan habang patuloy parin ang isinasagawang canvassing para sa pinakamatataas na posisyon sa pamahalaan kabilang na ang sa pagkasenador, pangulo at pangalawang pangulo kung saan tinatayang nasa 18,083 ang inaasahang bilang ng mga bagong opisyal ng bansa.