339 total views
Isantabi ang pagkakaiba sa pananaw pampulitika at magkaisa para sa common good matapos ang halalan sa bansa.
Ito ang apela sa bawat botante ni Balanga Bishop Ruperto Santos – CBCP Central Luzon Regional Representative kaugnay sa dapat na maging pagtugon ng mga mamamayan matapos ang National and Local Elections 2022.
Ayon sa Obispo, matapos na maisakatuparan ng mga botante ang kanilang patas na karapatan na maghalal ng mga bagong opisyal ng bayan ay mahalaga na tanggapin ng bawat isa ang resulta ng eleksyon at igalang ang boto ng kapwa Pilipino.
Pagbabahagi ni Bishop Santos, nawa matapos ang halalan ay isantabi ng bawat isa ang pagkakaiba-iba at muling magtulungan para sa kabutihan ng mas nakararami o ang common good.
“To vote is our constitutional right. It is our sovereign duty. Let us exercise it freely, with clear conscience and for a better and brighter future. Once the collective will of our people have been known, let us accept it and respect the voice of our people. After election let us set aside divisions, work together and collaborate for common good.” Ang bahagi ng pahayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa Radio Veritas.
Samantala nagpaabot naman ng pasasalamat si Bishop Santos sa lahat ng mga PPCRV Volunteers sa Diyosesis ng Balanga na matiyagang nagbantay at naglingkod upang matiyak ang pagkakaroon ng maayos, matapat at marangal na halalan.
“And I voted, with able assistance of our mostly PPCRV youth, in Poblacion Balanga City.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Batay sa tala ng Diyosesis ng Balanga may 2,521 ang PPCRV Volunteers sa diyosesis na nakibahagi sa pagbabantay ng kaayusan at karapatan ng National and Local Elections 2022 sa diyosesis.