478 total views
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng Simbahang Katolika upang gabayan ang mamamayan na magkaisa para sa kapakanan ng buong bayan sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, National Director ng Caritas Philippines, dapat na samantalahin ng Simbahan ang mataas na tiwala ng sambayanan upang magabayan at mapatnubayan ang bawat isa para sa matalino, marangal at maka-Diyos na pakikilahok sa nakatakdang National and Local Elections sa bansa.
Sa naganap na Halalang Marangal 2022 Election Summit, tinukoy ni Bishop Bagaforo na siya ring lead Convenor ng Halalang Marangal 2022, ang 2021 Philippine Trust Index kung saan lumabas ang Simbahan ang isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang institusyon ng taumbayan sa lipunan.
“You know that 2021 Philippine Trust Index have place the church with the highest trust rating from the public and so let us put that trust into good use by converting faith into action, let us all pray and work harder for a Halalang Marangal 2022,” ang bahagi ng pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Ipinaliwanag ni Bagaforo na bilang kasapi ng lipunan ay mahalagang magabayan ng Simbahan ang bawat isa na seryosohin ang pakikilahok sa halalan sa pamamagitan ng matalino at maka-Diyos na pagkilatis sa bawat kandidato na ihahalal sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Ibinahagi ng Obispo na sinasalamin ng boto ng bawat isa ang pagpapahalaga sa kapakanan at dignidad ng lahat na isang pundasyon ng panlipunang turo ng Simbahang Katolika.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na mahalaga ang pagkakaisa ng sambayanan sa nakatakdang halalan upang ganap maisulong ang matagal ng hinahangad na pagbabago sa paraan ng pamamahala sa bansa.
“As a church and as members of the civil society we need to bond together better and more sincerely so we leave no one behind in this very important electoral exercise. We are able to influence at some point how our people have been engaging actively in the political discourses online and in their homes, how debates are now geared towards finding out the truth in revealing fake information but we feel and know that we are also in need that we turn this influence into votes that matter so that in the next 6-years we will be able to stamp a new brand of governance for the Pilipino people,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Una ng nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa may 67-milyong mga botante na seryosohin ang pakikisangkot sa kabuuang proseso ng nakatakdang halalan bilang bahagi ng pananagutan hindi lamang para sa bayan kundi maging sa kapwa mamamayang Pilipino.
Batay sa tala ng Commission on Elections (COMELEC) aabot sa mahigit 18-libong posisyon sa pambansa at lokal na pamahalaan ang kinakailangang mapunan sa nakatakdang halalan sa bansa kabilang na dito ang pinakamataas na mga lider ng bansa sa pangunguna ng pangulo, pangalawang pangulo at mga mambabatas.