405 total views
Homiliya para sa Huwebes ng Ika-6 na Linggo ng Karaniwang Panahon, 16 ng Pebrero 2023, Gen 9:1-13 & Mk 8:27-33
Lumaki ako sa isang luma at tradisyunal na bahay na kahoy, capiz ang bintana, pawid na nakatali sa kawayan ang bubong. Karamihan sa amin na 13 magkakapatid, sa bahay lang ipinanganak. At may kaugalian noon na pagkapanganak, ang pusod namin ay pinatutuyo, binabalutan ng lampin at itinatali sa kilong kawayan ng aming bubong. Palagay ko kaya ginagawa iyon ay para manatili kaming nakatali o nakaugnay ang puso at diwa—hindi naman sa bahay lang kundi sa pamilya, ibig sabihin sa isa’t isa.
Dahil siguro mukhang barkong kahoy na pahaba ang bahay namin, noong unang marinig ko ang kwento ng Noah’s Ark, napaginipan ko ito. Nagkaroon daw ng malaking baha at ang bahay namin ay humiwalay sa mga poste nito at lumutang sa dagat. Bukod sa pamilya, marami daw ang nakisilong sa loob ng bahay namin, naging kapamilya na rin namin pati mga ibon, aso, pusa, manok, bayawak, pati mga ahas. Parang lumaki daw ang aming pamilya.
Palagay ko parang ganoon ang pinaiisip talaga sa atin ng awtor ng Genesis sa ating unang pagbasa. Ang Noah’s Ark ay parang Big Brother’s House, Bahay ni Kuya. Ang Diyos ay Kuya na hindi nakikita pero kasamang lagi ng lahat ng pinagsama sa loob ng bahay niya, at umaalalay sa relasyon nila sa isa’t isa, bilang pamilya. Actually maganda ang konsepto ng Big Brother, pero naging negatibo dahil ginawang modelo ng isang lipunan na kontrolado ng isang diktador na namboboso sa lahat ng nangyayari sa loob ng bahay sa pamamagitan ng sangkaterbang CCTV na nakakabit sa bawat sulok ng bahay.
Magandang laruin sa imahinasyon ang kuwento ng Noah’s Ark. Sa tagal ng panahon na nagpalutang-lutang sila sa loob ng isang bahay na barko, siyempre nagkaroon sila ng malalim na relasyon sa isa’t isa, kaugnayan ng puso at isip na ibig ng Diyos na manatili. Kaya siguro KAPATID o KAPUTOL ang tawag natin sa mga taong nalapit ang loob sa atin dahil sa tagal ng pinagsamahan, mga taong nakaisa natin ng puso at diwa, kahit hindi natin kadugo. Para bang nagiging karugtong na rin buhay natin. May panloob na koneksyon na hindi napuputol kahit magkalayo man tayo sa isa’t isa.
Sabi ng Diyos kay Noe, “Mananatili ang kaugnayan ko sa iyo, pati na sa magiging mga anak at apo mo, pati na rin sa lahat ng mga hayop at nilikha na nakasambahay mo sa loob ng arko sa panahon nh delubyo.” Ibig sabihin, siya ang pusod na nagdurugtong sa atin sa isa’t isa.
Hindi na raw muling masisira ang mundo hangga’t nananatili ang koneksyon natin sa kanya at sa isa’t isa bilang magkakasambahay sa loob ng iisang daigdig na ating tahanan. Bahaghari daw ang magiging simbolo ng relasyon na ito—maraming kulay, pero hindi na mapaghihiwalay dahil bahagi ng iisang sinag ng liwanag.
Parang ito rin ang ginawa ni Hesus sa mga alagad niya; tinuruan niya tayong manirahan sa loob ng isang arko at tumuring sa isa’t isa bilang magkakalakbay. Ituturing na kabaliwan ang arkong binubuo, pero kahit magdusa at mamatay ang lahat sa delubyo, babangon at babangon na muli ang sangkatauhan kung mananatili ang kaugnayan nila sa Diyos at sa isa’t isa.
Sa pelikulang Avatar, hindi raw pinuputol ng mga Navi ng planetang Pandora ang buhok nila. Itinitirintas nila at ang dulo nito ang pwedeng umugnay sa anumang hayop, halaman, o kapwa nilikha, para sila magkadugong kalooban at maramdaman ang nasa loob ng isa’t isa. Parang ganoon ang ginagawa natin kapag nakikinig tayo sa salita ng Diyos at tumatanggap ng Eukaristiya. Para tayong magkakasambahay sa loob ng Arko ni Noe. Nakakayanan nating harapin ang kahit ano pang delubyo.