325 total views
Magkakaugnay ang paggunita ng Simbahang Katolika ng Year of Saint Joseph at ng Year of Amoris Laetitia Family na kapwa idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco ngayong taon.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Archdiocese of Lipa Archbishop Gilbert Garcera Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life sa pagsisimula ng 3-araw na virtual Father’s Day tribute ng kumisyon.
Ayon sa Arsobispo, mahalaga ang pagiging huwaran ni San Jose sa pagkakaroon ng malalim na pananampalataya at pagtitiwala sa kaloob ng Panginoon upang magkaroon ng isang matatag na pamilya.
May titulo ang 3-araw na gawain na “Forming Fathers in the Image of Saint Joseph” mula ika-18 hanggang ika-20 ng Hunyo na naglalayong higit na maipakilala si San Jose bilang isang huwarang Asawa at katuwang ng Mahal na Birheng Maria sa pag-aaruga at paghuhubog kay Hesus bilang kanyang Ama sa daigdig.
“Mahalaga na makita natin sa ating mga pagdiriwang sa ating family and life declared ni Pope Francis 2021 until World Family Day ay ang Amoris Laetitia – The Joy of Love ang pagdiriwang na ito ay bibigyang diin natin ngayon at sa taon ding ito kinikilala ni Pope Francis ang kahalagahan ni Saint Joseph upang alagaan tayo tulad ng pag-aalaga niya kay Hesus at Maria at gagamitin nating pagninilay ngayon ang Patris Corde kung kaya’t Forming Families in the image of St. Joseph ito po ang paksa”. mensahe Archbishop Garcera.
Pagbabahagi ng Arsobispo, mahalagang higit pang mapalalim ang pagkilala kay San Jose bilang huwaran sa paggunita sa idineklarang Year of Amoris Laetitia Family ni Pope Francis kasabay na rin ng ika-5 anibersaryo ng kanyang Apostolic Exhortation on the Family na ‘The Joy of Love’.
Paliwanag ni Archbishop Garcera, mahalagang pasalamatan ang mga ina at ama sapagkat biniyayaaan ng Panginoon ang mga ito ng pambihirang kakayahan at tungkulin na pangalagaan at mahalin ang pamilya na ipinagkaloob ng Panginoon.
“Bigyang natin ng pasasalamat ang mga Fathers, Bakit po? Sapagkat ngayong taon nagdiriwang ang buong Pilipinas ng 500 years of Christianity at ang paksa ay gifted to give ang mga tatay ang mga nanay ay biniyayaan ng Diyos ng naiibang biyaya upang pangalagaan ang pamilya, ang pamilya ng Diyos, ang mga minamahal ng Diyos, Gifted to Give ang ating tinanggap na biyaya ng pananampalataya.” Dagdag pa ni Archbishop Garcera.
Matatandaang sa inilabas na pastoral statement ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay sa pagdiriwang ng ikalimang taon ng Amoris Laetitia ni Pope Francis ay tinukoy ni CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles ang pamilya na unang daluyan ng biyaya mula sa Panginoon at katuwang ng simbahan sa paghubog ng mga kabataan.