2,512 total views
Tinugunan ng Radio Veritas sa pamamagitan ng Caritas in Action ang panawagan ni Marilyn Casas na mabinyagan ang kanyang dalawang anak sa San Sebastian Parish, Pinagbuhatan, Pasig City.
Pinangunahan ni Fr. Felix Gutierrez ang paggawad ng Sakramento ng Binyag sa magkapatid na sina Shane at Chanice Ivy Mag-alasin na 11 at walong taong gulang.
Dalangin ni Fr. Gutierrez na ang dalawang bagong binyagan ay ganap na mabiyayaan at magabayan ng Espiritu-Santo, at madama ang kagalingang nagmumula sa Panginoong Hesus.
“Ang pagbibigay ng sakramento ay pagbibigay ng grasya ng Diyos. Sa bawat sakramento, itinuturing itong grasya na nagmumula kay Kristo at pagkakataon din ito para maibahagi doon sa lalong higit na nangangailangan. Hindi hadlang ang kahirapan, ang mga kapansanan para ito ay matanggap ng bawat isa. Patungkol din ito sa pagpupuri natin sa Panginoon na sa bawat mahihirap, bawat nangangailangan nito, si Kristo ang nakikita natin,” ayon kay Fr. Gutierrez sa panayam ng Radio Veritas.
Si Shane ay mayroong Stage 3 Lymphoma, Pneumonia seizure, at Acute gastritis; habang si Chanice Ivy naman ay mayroong Bacterial meningitis, Pneumonia, at Cerebral Palsy.
Nagpapasalamat naman si Casas sa pagkakataong magawaran ng Sakramento ng Binyag ang kanyang mga anak gayundin sa pagtulong ng simbahan na matugunan ang kanilang pangangailangan.
Magugunitang humingi ng tulong si Marilyn sa Caritas in Action para sa pagpapagamot ng dalawang bata, at nabanggit na hindi pa ito nabibinyagan dahil na rin sa kalagayan.
“Maraming salamat po sa mga tumulong sa amin para mapa-binyagan ang aming mga anak. Sana po ay marami pa kayong matulungang tulad namin at sana po ay patuloy pa kayong biyayaan ng Panginoon,” ayon kay Casas.
Ito ang unang beses na nagkaloob ng binyag ang Radio Veritas sa pakikipagtulungan ng San Sebastian Parish-Pinagbuhatan, Caritas Manila at Caritas Pasig.
Ang Sakramento ng Binyag ang unang sakramentong iginagawad ng simbahan sa mga sanggol upang pawiin ang kasalanang orihinal.