454 total views
Mga Kapanalig, malaki ang ating pasasalamat sa pamahalaan para sa hindi nito pagpapabaya sa ating mga kababayang naipit—at patuloy na naiipit—sa lumalalang tensyon sa bansang Sudan. Ang nangyayaring gulo roon ay bunga ng agawan sa kapangyarihan at kontrol ng dalawang dalawang grupong nagpatalsik sa presidente ng Sudan noong 2019.
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, mahigit isandaang Pinoy evacuees na ang nakabalik ng Pilipinas sa tulong ng Department of Migrant Workers (o DMW) at ng Department of Foreign Affairs (o DFA). Inaasahan namang makababalik na ng bansa ang mahigit 660 na mga Pilipinong nakaalis na ng Khartoum, ang kabisera ng Sudan. May mga patawíd na ng border ng Sudan at Egypt, habang ang iba naman ay nasa Cairo, Egypt kung saan may repatriation flights nang inihanda ang ating gobyerno. May ilan namang sa Jeddah, Saudi Arabia lilipad pabalik ng Pilipinas.
Dahil sa trauma na dinanas ng ating mga kababayan sa Sudan, agad silang binibigyan ng psycho-social intervention pagdating sa bansa. Hindi biro ang takot na maaaring nakatatak na sa kanilang isipan. Ang mga overseas Filipino workers (o OFW) naman ay makatatanggap ng limampung libong piso mula sa DMW. Ganito rin ang halagang ipagkakaloob ng Overseas Workers Welfare Administration (o OWWA). Tutulungan naman ng DMW na mahanapan ng employers sa ibang bansa ang mga Pinoy skilled workers na nawalan ng trabaho sa Sudan.
Ang pagkakaipit sa digmaan ang isa sa mga nakatatakot na karanasang kinakaharap ng mga kababayan nating naghahanap lamang ng trabahong magbibigay sa kanila ng kakayahang maitaguyod ang kanilang naiwang pamilya. Isa ito sa mga peligrong handang suungin ng mga ama, ina, kapatid, at anak para lamang mabigyan ng magandang buhay ang mga umaasa sa kanila, isang magandang buhay na mailap sa kanila sa sarili nating bayan. Ayon sa DMW, kabilang sa mga OFWs sa Sudan ay mga guro, nars, construction workers, at engineers—mga talentong pinakikinabangan sana natin sa Pilipinas kung sapat ang mga oportunidad dito para sa mga katulad nila. Kung ang mga OFWs sa Sudan ay may pagkakataon sa Pilipinas na makatanggap ng suweldong natatanggap nila sa ibang bayan, tiyak na hindi nila pipiliing iwan ang kanilang pamilya at makipagsapalaran sa ibayong-dagat.
Ang pangingibang-bansa upang magtrabaho ay isang karapatang kinikilala ng ating Simbahan. Ang karapatan namang ito ay nakabatay sa katuruan ng ating Santa Iglesia na ang lahat ng biyayang matatagpuan sa mundong nilikha at pinagkaloob sa atin ng Diyos ay para sa lahat. Sa mata ng Diyos, tayo, bilang nilikhang kawangis niya ayon nga sa Genesis 1:27, ay pantay-pantay. Kapag hindi makamit ng isang tao ang isang makahulugang buhay sa sarili niyang bayan, siya ay may karapatang hanapin ito sa ibang lugar.
Gayunman, nananatili ang tungkulin ng mga namumuno ng mga bansang tiyaking hindi mapipilitan ang mga mamamayan nilang lisanin ang kanilang bayan, lalo na kung ilalagay nito sa alanganin ang kanilang buhay. Sa kalagayan natin ngayon sa Pilipinas, hindi natin maitatangging kaakit-akit para sa marami sa ating mga kababayang makipagsapalaran sa ibang bayan. Hindi natin sila masisisi. Kaya nararapat lamang na laguing nariyan ang ating pamahalaan para sa ating mga OFWs, bagay na nakikita naman natin ngayon sa pagtugon nila sa epekto ng gulo ng Sudan sa mga kababayan nating naroroon. Ngunit marami pang kailangang gawin, lalo na sa paglikha ng mga oportunidad sa ating bansa nang sa gayon ay hindi na kailanganing mangibang bansa ng mga naghahanap ng trabaho.
Mga Kapanalig, ipanalangin natin ang kapayapaan sa buong mundo, lalo na sa mga bansang katulad ng Sudan. Sa naging epekto ng kaguluhan doon sa ating mga OFWs, nakikita natin ang katotohanang lahat tayo—nasaan man sa mundo—ay magkakaugnay.
Sumainyo ang katotohanan.