393 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na isabuhay ang pakikipaglakbay sa kapwa na panawagan ng simbahan sa mamamayan.
Ito ang mensahe ng Cardinal sa vigil mass na ginanap sa Our Lady of Peñafrancia Basilica Minore and National Shrine sa Naga City bago ang kapistahan ng patron ng Bicolandia.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na itinatag ng Panginoong Hesus ang simbahan bilang sinodo upang anyayahan ang bawat nasasakupan na makilakbay ng sama-sama tungo kay Hesus.
“Itinatag ng Panginoong Hesus ang Simbahan bilang sinodo, at si Mahal na Ina ang ating kasama sa paglalakbay. Isabuhay natin ang diwa ng sinodo sa ating mga pamilya at mga pamayanang Kristiyano, at isabuhay natin ang Communion, Participation at Mission,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Tema sa kapistahan ng Nuestra Señora de Peñafrancia ngayong taon ang ‘Mary accompanies us in our journey towards a synodal Church’ na hango sa panawagan ng Santo Papa Francisco na Synod on Synodality.
Bago ang banal na misa ay isinagawa ang dalawang oras na fluvial procession sa Naga River sa imahe ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia at Divino Rostro na dinaluhan ng libu-libong deboto.
Ipinagdiriwang ang kapistahan ng patrona tuwing ikatlong Linggo ng Setyembre kung saan ngayong taon ito na ang ika – 312 pagdiriwang.
Ang Peñafrancia Festival sa Bicol region ang isa sa malalaking pista sa Pilipinas tulad ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Quiapo at Sinulog Festival ng Cebu tuwing Enero sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sr. Sto. Niño.