139,135 total views
Kapanalig, isa sa mga hamon sa mental health ng maraming Pilipino ngayon ay ang kahirapan sa pagko-commute tungo sa trabaho at paaralan. Marami na nga sa ating mga kababayan ang nagsasabi na ang pagco-commute dito sa ating bayan ay dehumanizing na.
Sa dami ng Pilipinong apektado sa pang-araw-araw na traffic sa ating bayan, lalo na sa Metro Manila, sa laki ng pagkalugi dahil sa araw-araw na pagsikip sa ating mga lansangan, bakit walang agaran at kongkretong tugon ang pamahalaan ukol dito?
May pag-aaral nga na nagpapakita na sa buong mundo, pinakamabagal ang Metro Manila pagdating sa traffic. Ayon sa TomTom Traffic Index, ang Metro Manila ang may slowest travel time sa 387 cities ng 55 na bansa. Ang masaklap dito, pang regular na araw laman iyan. Kapag mga holidays gaya ng Christmas, mas traffic pa. Kapag umulan pa, malabo ka na makauwi ng maaga. Umaga na ng susunod na araw.
Kapanalig, hindi lamang simpleng isyu ang traffic sa Metro Manila. Hindi lamang ito usapin ukol sa gaano katagal ang oras na binababad natin sa lansangan. Ang traffic, kapanalig, ay magnanakaw.
Ninanakaw nito ang oras natin para sa ating mga pamilya. Kapanalig, mahigit pa sa walong oras kada araw kadalasan ang ginugugol natin sa ating trabaho. Mahabang oras na ito. Idagdag pa natin ang commuting time, na umaabot na sa apat na oras kada araw para sa maraming Pilipino sa syudad.
Ninanakaw din ng traffic ang mga oportunidad na makakatulong sana sa atin na makatakas sa kahirapan. Parang preso ang traffic at commuting, kapanalig. Nakakulong tayo sa hirap ng pagbiyahe sa syudad, kaya’t pag nakasakay na tayo, kahit di maka-upo, grabe na ang pasasalamat natin. At sa haba ng ating travel time, wala na tayong oras para sa upskilling, para mag-aral pa, para makahanap pa ng mas magandang trabaho.
Kapanalig, hindi lamang pera ang nawawala sa tao dahil sa traffic at hirap sa pagko-commute sa ating mga syudad. Buhay na natin ang nawawala. Ang nakakalungkot, ang lakas na ng hinagpis ng mga tao, pero tila walang nakakarinig. Sabi sa Evangelium Vitae, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, our life belongs to God. Hindi na natin nakikita ito dahil sa traffic sa ating syudad. Parang araw araw na parusa na, hindi biyaya.
Kaya’t ginigiit pa ng Evangelium Vitae ang respeto sa buhay. Sana’y dinggin natin ang pag-gabay nito: A society lacks solid foundations when, on the one hand, it asserts values such as the dignity of the person, justice and peace, but then, on the other hand, radically acts to the contrary by allowing or tolerating a variety of ways in which human life is devalued and violated, especially where it is weak or marginalized. Ang traffic sa ating mga syudad kapanalig ay sumisira sa dignidad ng tao. Huwag nating hayaang mas lumala pa ang sitwasyon na ito.
Sumainyo ang Katotohanan.