149 total views
Maghahain ng panibagong petisyon ang tinaguriang Magnificent 7 ng House of the Representatives laban sa 5-buwang pagpapalawig ng Martial law sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon kay Ifugao Lone District Representative Teddy Brawner Baguilat, Jr., bukod sa motion for reconsideration laban sa pagpapatibay ng Korte Suprema sa unang Martial law declaration noong ika-23 ng Mayo, muli silang aapela sa Supreme Court upang suriin ang legalidad ng pagpapalawig ng umiiral na Batas Militar sa Mindanao.
“Well kami sa tunay na minority yung magnificent 7 ay maghahain kami ng petition sa Korte Suprema upang ireview yung validity nung extention ng Martial Law at kung maari ipawalang bisa, iba pa ito doon sa aming motion for reconsideration doon sa unang desisyon ng Korte Suprema doon sa proclamation…”pahayag ni Baguilat sa panayam ng Radyo Veritas.
Noong ika-22 ng Hulyo ay inaprubahan ng Kongreso sa Joint Session ang pagpapalawig sa umiiral na Batas Militar sa rehiyon ng Mindanao nang hanggang sa ika-31 ng Disyembre alinsunod sa apela ni Pangulong Duterte.
Sa botong 261-pabor laban sa 18-hindi pabor ay tuluyang inaprubahan ng Kongreso ang pagpapalawig ng Martial Law na naglalayong ganap na maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.
Sa panig ng Senado, 16 na mga Senador ang pumabor habang 4 naman ang hindi sumang-ayon sa pagpapalawig ng Martial Law at 245 na Kongresista ang bumoto sang-ayon sa Martial Law extension laban sa 14-na hindi pabor.
Nauna nang nanawagan ang mga lider ng Simbahan na masusing pag-aralan ng pamahalaan ang patuloy na pagpapairal ng Batas Militar na inaasahang magiging malaki ang epekto hindi lamang sa kalagayang pang-seguridad ng bansa kundi maging sa pamumuhay ng mga mamamayan sa Mindanao.