206 total views
Umaasa ang Catholic Bishops Conference of the Phillippines (CBCP) na malaki ang maitutulong sa mga nais na pumasok sa seminaryo at mga kumbento o nais na magpari at magmadre sa bagong inilabas guidelines na inilabas ng Vatican.
Ayon kay CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles, tamang-tama ito sa pagdiriwang ng simbahan ng Pilipinas na Year of the Clergy and Consecrated Persons: Renewed Servant Leaders ngayong taon bilang bahagi ng paghahanda para sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa taong 2021.
Naniniwala din si Archbishop Valles na magiging daan ang pagbabago para sa mga nais na pumasok ng seminaryo lalo na yaong mga kabataan o tinatawag na millenials.
“Yes because, that would make our formation concrete, updated, suited for the young men and women of today. So therefore that is as much as possible with the grace of God suited to their outlook today …o sabihin natin mga millennials. It would make it easier for these people to stay on,” paliwanag ni Archbishop Valles.
Giit pa ng Arsobispo ang bagong guidelines ay bahagi ng isasagawang 116th CBCP plenary assembly sa Cebu City – kung saan kabilang sa inaasahan ang pagbuo ng kongkretong mga hakbang para maipatupad ang mga pagbabago.
Base sa 2017 report, ang Pilipinas ay may higit sa 10,000 mga pari para kumalinga sa higit 85 porsiyento ng mga katoliko sa bansa na may 100 milyong populasyon.
Sa datos, dapat ay isang pari sa bawat 2,000 mga katoliko subalit sa kasalukuyan ay umaabot sa isang pari sa bawat 8,000 mananampalataya.
Sa isang mensahe ng Santo Papa Francisco na ginanap saVatican hinggil sa conference on priestly formation, hinikayat nito ang mga pari na maging bukas para mahubog ng Panginoon, sa pamamagitan ng Diyos at hindi sa kanilang sarili.
Paliwanag pa ng Santo Papa, ito ay nangangailangan nang pagiging bukas sa pagbabago sa puso at sa pamumuhay upang maglingkod ng may sigasig para sa ebanghelyo, para sa Diyos at para sa kapwa.