371 total views
Pinapaalalahanan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga magpapatala sa voter’s registration ng Commission on Elections (COMELEC) na sumunod sa ipinatutupad na minimum health protocols bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus.
Ayon kay PPCRV executive director Maria Isabel Buenaobra, dapat matiyak ang kaligtasan ng publiko mula sa virus gayundin ang pagtupad sa tungkulin bilang mamamayan na makaboto sa susunod na halalan na magsisimula sa pagpapatala.
Pagbabahagi ni Buenaobra bukod sa pagsusuot ng mga facemask, face shield at pagsunod sa social distancing ay pinapayuhan rin ang lahat na mga magpaparehistro na magdala ng kani-kanilang ballpen na panulat sa mga kakailanganing lagdaan na dokumento. “Para maiwasan po natin ang mga infection, may alcohol naman na maibibigay ang COMELEC pagpasok at magkakaroon ng dis-infection so dapat mag-sanitizer sila o kaya alcohol para pagpasok nila sa COMELEC office ay siguradong hindi sila magiging infected,” ang bahagi ng pahayag ni Buenaobra sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag pa ni Buenaobra, bagamat pinapayuhan ang mga magpaparehistro na maagang punan ang mga kinakailangang impormasyon sa mga dokumento ay dapat naman itong lagdaan sa harapan mismo ng mga opisyal ng COMELEC upang matiyak ang katauhan ng mga magpaparehistro bago gawin ang pagkuha ng biometrics.
Una ng tiniyak ng COMELEC pagpapatupad ng mga minimum health protocol bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus kung saan mayroong inilalaan ang mga local COMELEC offices ng “designated disinfection day” upang malinis ang mga pasilidad kung saan ginagawa ang voter’s registration.
Sa pinakahuling datos ng COMELEC noong ika-14 ng Enero, umaabot pa lamang sa 1,117,528 ang bilang ng mga naitalang voter applicants mula sa target ng komisyon na 4-milyong registrants.