27,409 total views
Inilaan ng Archdiocese of Manila sa paghahanda sa nakatakdang Jubilee Year 2025 ang Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS) sa susunod na buwan ng Nobyembre 2024.
Sa sirkular ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ay inihayag ng Arsobispo ang paglalaan ng MAGPAS para sa pagbabahagi ng katesismo bilang paghahanda sa nakatakdang Jubileo 2025 sa susunod na taon.
Nakatakda ang MAGPAS sa ika-9 ng Nobyembre 2024, ganap na alas-otso hanggang alas-unse y medya ng umaga sa Pope Pius XII Catholic Center Auditorium.
Ayon kay Cardinal Advincula, layunin ng nakatakdang MAGPAS na maihanda ang bawat mananampalataya para sa Ordinary Jubilee of the Year 2025 na may temang ‘Pilgrims of Hope’ na layuning mabigyang pag-asa ang sangkatauhan sa gitna ng mga kinahaharap na mga pagsubok ng daigdig gaya ng patuloy na epekto ng naganap na COVID-19 pandemic noong 2020, nagpapatuloy na mga armadong sagupaan at digmaan sa iba’t ibang bansa; gayundin ang patuloy na banta ng climate crisis sa buong daigdig.
“In preparation for the Jubileo 2025, the MANILA ARCHDIOCESAN GENERAL PASTORAL ASSEMBLY for the month of November will focus on the catechesis of the Jubilee Year. I am pleased to invite you and your community to be part of this MAGPAS on November 9, 2024, from 8:00 am to 11:30 am at the Pope Pius XII Catholic Center Auditorium.” bahagi ng sirkular ni Cardinal Advincula.
Kabilang sa nakatakdang gawain ang pagbabahagi sa pangkabuuang plano at mga nakahanay na gawain ng arkidiyosesis para sa Jubilee Year 2025 gayundin ang pagbabahagi sa mga itinalagang Jubilee Churches sa Arkidiyosesis ng Maynila na aabot sa mahigit 20 mga simbahan at dambana.
Kaugnay nito umaasa ang Cardinal na maging daan ang nakatakdang MAGPAS upang ganap na makapagnilay at makapag-alay ng sama-samang panalangin ang mga mananampalataya para sa ikabubuti ng sanlibutan.
“I earnestly look forward to your participation in our preparation for the Holy Year. I gladly take this opportunity to assure you of my prayerful solicitude.” Dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Samantala, inaasahan ding bahagi ng talakayan ang higit na pagpapaigting sa pagkakaroon ng ganap na Simbahang sinodal kung saan kabilang ang bawat sektor ng lipunan sa pagsasakatuparan ng Simbahan sa misyon nitong maipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon sa sangkatauhan.
Ang MAGPAS ay pagtitipon ng mga layko, pari, madre, kabataan at ministry leaders ng Arkidiyosesis ng Maynila upang hubugin at hikayatin ang bawat mananampalataya sa pagpapanibago tungo sa nagkakaisang komunidad habang tinatalakay ang napapanahong usapin na nakasentro sa Panginoon.