729 total views
Hinimok ng opisyal ng simbahan ang mananampalataya na maglaan ng panahon para magpasalamat sa Diyos.
Ito ang pagninilay ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa kahalagahan ng pagdalo ng Banal na Eukaristiya lalo na tuwing Linggo.
Tinukoy ng obispo ang salaysay sa ebanghelyo tungkol sa sampung humingi ng tulong kagalingan kay Hesus subalit isa lang ang bumalik upang magpasalamat.
Ayon kay Bishop Pabillo marami ang dapat na ipagpasalamat ng sangkatauhan sa Panginoon tulad ng biyaya ng buhay, pamilya, kabuhayan at iba pang kaloob na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao.
“Ang dami nating ipasasalamat sa Diyos – ang buhay natin, ang ating kalusugan, ang ating trabaho,ang ating pamilya. Higit sa lahat, ipinapasalamat natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili sa Krus, ang salita ng Diyos na pagkain ng ating kaluluwa. Nagsisimba tayo kasi tayo ay nagpapasalamat,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ikinalungkot ng opisyal na bagamat marami ang tumatanggap ng biyaya ay iilan lamang ang naglaan ng panahon na dumalo sa Banal na Misa upang magpasalamat sa Diyos.
Sa isang pag-aaral ng Social Weather Station noong 2021 nasa 41-percent lamang ng mahigit 80-milyong katoliko sa bansa ang lingguhang dumadalo sa Banal na Eukaristiya.
Apela ni Bishop Pabillo sa mananampalataya na magbigay ng panahon para sa Diyos na nagkaloob ng iba’t ibang biyaya na pinakikinabangan ng tao.
“Tumigil tayo sa araw ng Linggo. Tigil muna sa pag-aaral. Tigil muna ang pagtatrabaho. Bumalik tayo sa Diyos. Pumunta tayo sa simbahan at sambahin siya sa Banal na Misa na walang iba kundi pagpapasalamat,” giit ng obispo.
Si Bishop Pabillo ang namumuno sa Office on Stewardship ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na nangunguna sa pagsusulong ng stewardship program ng simbahan upang palawakin ang balik-handog sa mga simbahan sa bansa.