292 total views
February 26, 2020 2:21PM
Hinikayat ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mananampalataya na huwag mag-atubiling lumapit sa Panginoon sa kabila ng mga pagkukulang.
Sa pagninilay ng obispo sa misang pinangunahan sa Radio Veritas chapel nitong Miyerkules de Abo, binigyang diin nitong ang Diyos ay mahabagin at mapagpatawad kaya’t nakahanda itong tanggapin ang sinumang lumalapit maging ang mga makasalanan.
“Lumapit ka lang sa Diyos ikaw ay siguradong patatawarin,” pagninilay ni Bishop Gaa.
Iginiit ni Bishop Gaa na hindi kinakailangang magpakitang tao upang magpatawad kundi nararapat lamang pairalin ang kababaang loob tulad ng mga halimbawa ni Hesus.
Aniya, marahil natatakot lamang ang tao na lumapit sa Panginoon at humingi ng tawad bunsod ng mga paulit-ulit at malalaking pagkakasalang nagawa laban sa kapwa at sa Diyos.
Hinimok ng obispo ang mga dumalo sa banal na pagtitipon na gawing makabuluhan ang apatnapung araw na paghahanda sa muling pagkabuhay ni Hesus lalo’t ito ay nag-alay ng Kanyang buhay sa katubusan ng lahat ng mga kasalanan ng sanlibutan.
“Pinagdusahan Niya yung kasalanan natin pero pinagtagumpayan din n’ya ito’ kaya huwag tayong matakot sa inalok na bagong buhay pero kailangan nating tanggapin ang kamatayan sa kasalanan dahil doon lang tayo magkakaroon ng bagong buhay,” dagdag pa ng obispo.
Sinunod din ng Radio Veritas ang inilabas na panuntunan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines hinggil sa paglalagay ng abo na ibudbod lamang sa ulo bilang pag-iingat sa paglaganap ng Corona Virus Disease 2019.