383 total views
May 4, 2020-11:41am
Pinangunahan ng simbahan ng Nueva Segovia ang pagbili ng mga gulay at iba pang produkto ng mga magsasaka sa bulubunduking lugar sa Ilocos Sur.
Ayon kay Fr. Danilo Martinez ng social action center ng Archdiocese ng Nueva Segovia, ito ay upang makapagbigay ng tulong sa mga mananampalataya na apektado ng lockdown gayundin ay ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga magsasaka.
“Kahit na meron kaming nagawa, kinukulang pa rin. Kaya nagpapatulong pa rin kami sa mga generous na indibidwal at grupo, kasi hanggang ngayon hindi pa rin sila makababa yung mga nasa bulubunduking lugar, at ibaba namin ang mga produkto nila. Bibilin namin ang mga produkto nila,” ayon kay Fr. Martinez.
Umaasa naman ang pari na bahagya na ring makakakilos ang mga residente sa kanilang nasasakupan makaraan na ring mabilang ang lalawigan sa ilalim ng General Community Quarantine ngayong Mayo.
Dulot din ng nagdaang community quarantine, naglunsad ng kani-kanilang inisyatibo ang mahigit sa 40 parokya ng arkidiyosesis upang tumugon sa pangangailangan ng kanilang nasasakupan.
Sa kabila nito, patuloy pa ring humingin ng tulong ang arkidiyosesis para sa karagdagang pangangailangan ng mga residente lalu na ‘yaong mga nasa malalayong lugar.
Una na ring idineklarang Covid-Free ang Ilocos Sur makaraang gumaling na mula sa sakit ang nag-iisang pasyente na nagtataglay ng virus sa lalawigan.