234 total views
Kapanalig, hirap ang marami nating mga kababayang magsasaka. Marami sa sektor ang naapektuhan ng African Swine Flu. Maraming mga taniman ang nasalanta ng sunod sunod na bagyo nitong nakaraang taon. Hirap na hirap rin silang mag-transport ng ani tungo sa mga merkado dahil sa lockdowns nuong nakaraang taon. Kaya’t hindi nakakapagtaka na tumataas ang baboy at mga gulay ngayon – ang kakulangan sa produksyon at suplay ang nagtutulak nito.
Ang mga pangyayari na ito sa sektor ay dagdag lamang sa mga isyu na laging hinaharap ng mga magsasaka. Kapanalig, ang sektor nila, bago pa man lahat ng hamon na ito, ay nakakaranas na ng sunod-sunod na problema: isa sila sa consistent na poorest of the poor ng bayan. Ayon sa PSA, nasa 31.6% ang poverty incidence sa kanilang hanay. Gaya ng mga mangingisda, nasa halos P300 lamang ang kita nila kada isang araw.
Kapanalig, panahon na upang isulong naman natin ang kapakanan ng mga magsasaka. Hindi nararapat na lagi na lamang sila ang naiiwan sa laylayan ng lipunan. Tinuturo sa atin ng Populorum Progressio, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, na ang kaunlaran ng maralita ay kaunlaran nating lahat. Ayon din dito, hindi nararapat na ituring natin sila na pabigat sa lipunan. Sila pa nga ang engine ng kaunlaran. Kapag ating sinusulong ang kanilang kapakanan, ang sangkatauhan ang nakikinabang.
Malaki ang kontribusyon ng mga magsasaka sa ating ekonomiya. Sa katunayan, ayon sa “Transforming Philippine Agriculture During Covid-19 and Beyond,” isang pag-aaral mula sa World Bank, ang modernisasyon ng agricultural sector ng bansa ay susi sa mabilis na pagbangon ng bayan mula sa pandemya.
Upang ating magawa ang ang modernisasyon na ito, kailangan natin ng “paradigm shifts” – mga pagbabago sa karaniwang gawi at pananaw sa agrikultura. Isang halimbawa ay ang pagbabago sa ating pamumuhunan sa sektor. Sa ating bayan, ang bulko ng ating gastos sa sektor ay nasa suporta sa piling mga taniman o crops, pati sa tulong sa gastos sa fertilizer, materyales, at makina. Mainam ito, pero ayon sa pag-aaral, mas mainam na tumutok din sa research and development, imprastraktura, mga inobasyon, market information systems, pati na biosecurity systems. Ang mga ito ay sangkap sa matagumpay na agricultural sector sa ibang bansa. Kailangan din, ayon sa pagsusuri, na matulungan ang maliliit na magsasaka. Kailangan nating silang mai-ugnay sa merkado para mga produktibong partnerships sa pagitan ng buyer at magsasaka.
Kapanalig, ang new normal sa ating mundo ay hindi lamang ukol sa mga health protocols. Kasama din nito ang mga pagbabago sa mga sektor ng bayan, gaya ng agrikultura, upang masigurado na walang maiiwan sa pagbangon ng bayan. Marapat lamang na ma-i-prayoridad ang mga magsasaka sa ating bayan – sila ang frontliners ng bayan pagdating sa pagtitiyak ng suplay ng pagkain ng bansa. Ang kanilang pag-unlad ay susi sa mabilis na pagbangon ng bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.