162 total views
“Magsaya kayo at magalak!”
Mga Kapanalig, ito ang pamagat ng pastoral exhortation na inilabas ng ating mga obispo pagkatapos ng kanilang ika-117 na plenary assembly na ginanap ilang linggo na ang nakalipas. Hango ito sa Mateo 5:12, kung saan hinihikayat ng Diyos ang sinumang inuusig dahil sa Kanya na magsaya at magalak. Kung pagninilayan natin ang pinagdaanan ng ating Simbahan ngayon, parang napakahirap na magsaya at magalak, ngunit nananalig ang ating mga obispong ito ang tamang disposisyon para sa mga Katolikong Pilipino ngayon.
Sa unang bahagi, hinihimok tayong mga mananampalatayang isabuhay ang ating bokasyon at misyong maging mga instrumento ng kapayapaan, sa kabila ng pangingibabaw ng karahasan, ng kultura ng pagpatay, at ng mga pang-iinsulto. Hindi ito madali, bagamat sabi ng ating mga obispo, hindi na bago ang paghamak at pagtuligsa sa ating pananampalataya. Matatagpuan sa Unang Sulat ni Pablo sa mga Taga-Corinto ang angkop na pagtugon sa mga ito: “Inaalipusta kami at nagsasalita naman kami nang maayos; inuusig kami at kami nama’y nagtitiis. Kapag sinisiraan, kami’y nakikipag-ayós.”
Dagdag pa ng pastoral exhortation, ano ba naman ang mga pang-uusig na ito kumpara sa pagdurusa ng mga dukha sa ating bayan? Silang mga hinuhuli dahil sa pagtambay; silang mga hindi raw tao dahil adik; silang mga naging balo at ulila dahil sa karahasan; silang mga presong nagsisiksikan sa mga bilangguan; silang mga katutubong itinataboy sa kanilang mga tinubuang lupa dahil sa mga minahan; silang mga pamilyang naiipit sa giyera; at silang mga sundalong nagbubuwis ng buhay dahil isinasanatabi natin ang mapayapang pag-aayos ng mga alitan.
Mga Kapanalig, patuloy na papanig ang Simbahan sa mga naghihirap nating kapatid, hindi bilang bahagi ng anumang destabilization plot o paglabag sa separation of church and state, kundi para sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Binigyang-diin din ng mga obispong kaisa ng pamahalaan ang Simbahan sa pagtataguyod ng kabutihan ng lahat. Sa mga pagkakataong kritikal ang Simbahan sa pamahalaan, tandaan sana nating lagi itong nagmumula sa lente ng pananampalatayang nagsusulong ng moralidad at naninindigan para sa katarungang panlipunan.
Sa pagtatapos ng liham, mapagkumbabang inamin ng ating mga obispong tayo ay Simbahan ng mga makasalanang patuloy na tinatawag tungo sa kabanalan. Inaako natin ang ating mga kahinaan at ang pananagutang ituwid ang mga ito. Hindi perpektong institusyon ang Simbahan, ngunit hindi ito dahilan upang talikuran nito ang kanyang mga tungkulin sa harap ng pang-uusig.
Mga Kapanalig, ang patuloy na paninidigan ng Simbahan para sa buhay at dignidad ng tao, at ang pagwawaksi sa kasalanan ay bahagi ng mga tungkulin nitong nakalatag sa mga panlipunang turo nito. Una ay ang tungkuling ipalaganap ang pagtanaw sa tao at sa kanyang kapakanan nang buo at may paggalang sa kanyang dignidad. Ginagawa natin ito sa pagtulong sa mga lulóng sa ipinagbabawal na gamot, sapagkat nakikita natin silang mga may karamdaman; sa mga namatayan sa giyera kontra droga sapagkat biktima sila ng karahasan; at sa mga katutubong itinuturing na bahagi ng kanilang katauhan ang lupa. Ang ikalawang tungkulin ay ang punahin at tuligsain ang pag-iral ng kasalanan sa lipunan, kaya’t hindi kailanman mangingimi ang Simbahang maninidigan para sa mga hindi kinikilala at patuloy na nilalabag ang kanilang mga karapatan—the last, the least, and the lost.
Mga Kapanalig, bilang mga bumubuo sa Simbahan, tayong lahat—ang mga obispo, pari, madre, at mga layko—ay magkakabalikat sa pagganap ng mga tungkulin ng Simbahan. Tungkulin nating ipahayag ang Mabuting Balita at iwaksi ang mga kasalanan, ngunit gawin natin ang mga ito nang may kagalakan. Sabi nga sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo: “Pinagpala kayo kapag dahil sa akin, kayo’y inaalipusta, inaapi at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magsaya kayo at magalak!”
Sumainyo ang katotohanan.