435 total views
Isabuhay ang diwa ng pagiging Mabuting Pastol upang tiyak na magabayan ang pinamumunuang mamamayan tungo sa pag-unlad ang paalala ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mga nahalal na kandidato sa kakatapos lamang na national and local election.
“At the same time modelo sa mga pinapahayag natin bilang bansa at yang nasa konstitusyon, sincerity, honesty, good service, public service, ‘yan ang ating hinihiling sa Diyos na sana makita sa leader ng ating bansa ang mga katangian ng mabuting pastol, hindi makasarili laging binibigyan ng pansin yung kabutihan ng lahat lalo na yung maliit, walang boses,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Obispo.
Nawa ayon sa Obispo ay maipakita rin ng mga susunod na pinuno ang katangian na laging inuuna ang kapakanan at ikabubuti ng kaniyang nasasakupan.
Hiling naman ni Bishop Ongtioco sa mamamayan ang pagsunod sa mga inihalal na pinuno upang maisakatuparan din ang mga ipinangakong magandang adbokasiya at plano para sa publiko.
“Siyempre walang magawa ang leader kung sakaling hindi sila makiisa, mag-cooperate sa mga magagandang hangarin, magandang adhikain, mga plano, magtatagumpay ang isang leader kung nagkakaisa yung leader atsaka yung mga mamamayan na pamumunuan nila,” ayon pa sa Obispo.
Ayon pa kay Bishop Ongtioco, mahalaga ring mabatid ng ibat-ibang sektor na dapat unahin ang pag-tugon sa mga pinaka nangangailangang sektor.
Ito ay upang sistematikong matugunan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang sektor maaring mangailangan ng tulong sa hinaharap.