522 total views
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula mula sa kanyang pagninilay para sa magdamagang pagdiriwang sa Pasko ng muling pagkabuhay ng Panginoon o Easter Vigil dito sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral.
Sa pagninilay ni Cardinal Advincula, sinabi nito na ang kahulugan ng muling pagkabuhay ng Panginoon ay ang pagmamahal Niya sa sanlibutan upang matubos sa kadiliman ng kasalanan.
Ayon sa kardinal, napuno ng liwanag at galak ang buong simbahan dahil tinanggap ng mga mananampalataya ang liwanag ni Kristo na ang hatid ay kapayapaan, pag-asa at pagmamahal.
“Walang plano ang Diyos na tumigil sa pagmamahal at pagliligtas sa atin. Bagkus gusto pa niya itong paigtingin, palalimin kahit hindi karapatdapat dahil ilang beses na nating sinukuan ang kanyang pag-ibig,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Hamon naman ni Cardinal Advincula sa mga mananampalataya na maging handa ang bawat isa sa pagiging mabuting instrumento ng liwanag ng pag-ibig at buhay.
Ito’y upang magsilbing pag-asa sa kapwa lalong-lalo na sa mga taong patuloy na nabubuhay at nakakaranas ng kadiliman sa buhay.
“Piliin natin ang Diyos at kapwa sa araw-araw sa bawat isip at salita at pagpilit upang mapagtagumpayan ng kanyang liwanag ang pwersa ng kadiliman,” ayon sa kardinal.
Ang Easter Vigil ang ikatlo at huling yugto ng Paschal Triduum bilang paggunita at pagninilay sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo