481 total views
Patatagin ang pananalig sa Diyos, dahil walang imposible sa Panginoon.
Ito ang paanyaya ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa misang ginanap sa Our Lady of the Pillar Parish Church o kilala rin bilang Sta. Cruz church kaugnay sa ‘Day of Prayer and Fasting’ kasama ang may 100 pari ng Archdiocese of Manila.
Layunin ng inisyatibo ng Archdiocese of Manila ang pananalangin para sa paghihilom at pagbabalik loob sa Panginoon kaugnay na rin sa krisis na dulot ng pandemya.
Hiling din ng Obispo ang patuloy na paghingi ng tawad sa Panginoon, dahil ang paghingi ng tawad ay nagtatanggal ng kasalanan na ugat ng kasamaan.
“We humble ourselves before the Lord, kinikilala natin ang ating pagkukulang at isa na siguro sa ating pagkukulang ay ang ating labis na paniniwala kung ano ang magagawa ng material na bagay. Labis tayong naniniwala sa magagawa ng science, ng medicine, ng vaccines at quarantine periods. Totoo na ito ay nakakatulong pero may isang bagay na hindi natin nabibigyan ng halaga…ang kapangyarihan ng Panginoon, ang kapangyarihan ng grasya. Kumikilos ang grasya ng Diyos kapag walang sagabal, at ang sagabal ay ang kasalanan,” ang bahagi ng homilya ni Bishop Pabillo.
Paanyaya pa ni Bishop Pabillo sa mga dumalong pari na palakasin ang pananalig sa Diyos upang tulungan ang sarili at ang kawan ng Diyos.
“Magsisi, mag-ayuno at magdasal upang makuha natin ang tulong ng Diyos at iyan po ang ginagawa natin ngayong araw. Tayo ay nagdasal at ang ating penitential procession ay bahagi ng ating panalangin tayo ay nagsisisi,” ayon pa kay Bishop Pabillo
Dagdag pa ni Bishop Pabillo na ang panawagan ay hindi lamang sa mga pari kundi sa buong sambayanan.
Sa hiwalay na panayam, binigyan diin naman ni Fr. Douglas Badong-parochial vicar ng Quiapo church na tungkulin din ng mga mananampalataya ang maigting na pananalangin laban sa patuloy na banta ng pandemya.
“Nawa ay mahikayat ang mga tao na higit pang magdasal kailangan po natin na paigtingin pa. Hindi po natin maaring alisin ang Diyos at huwag nating isipin na pinababayaan tayo ng Diyos. Ito po sana, ay magdulot ng inspirasyon sa mga tao na lalung kumapit sa Diyos,”
Ang Day of Prayer ay nagsimula sa Penitential Rites mula sa Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo church) at Penitential walk patungong simbahan ng Sta. Cruz kung saan isinagawa ang misa.
Ang Archdiocese of Manila ay binubuo ng higit sa 600 mga pari sa 86 na parokya na nagsisilbing pastol sa may tatlong milyong mananampalataya mula sa limang lungsod na nasasakop ng arikidiyosesis ang lungsod ng Maynila, Mandaluyong, Pasay, Makati at San Juan.