376 total views
April 23, 2020-10:01am
Tuwinang magtatagumpay ang sangkatauhan kasama si Kristo.
Ito ang binigyan diin ni Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr., sa ginanap na Healing mass online na napapakinggan din sa Radio Veritas.
Pagtiyak ng obispo, hindi kailanman matatalo ang sangkatauhan dahil na rin sa patuloy na patnubay ni Hesukristo maging ito man ay dulot ng coronavirus disease na laganap sa buong mundo.
Ayon sa Obispo, kinakailangan lamang ng bawat isa na mamuhay kasama ni Hesus at ang pananampalataya sa Diyos na buhay.
“Si Kristo ay kakampi natin. Tayo kasama ni Kristo ang formula nang tagumpay,” ayon kay Bishop Bacani.
Paliwanag ng obispo, marapat ipagpasalamat ng marami na naging ligtas sa pagkahawa mula sa Covid-19 at gayundin ang mga nahawa at gumaling mula sa sakit.
Subalit sa mga namayapa dulot ng virus ay nakakatiyak naman ang mga nananampalataya sa Panginoon sa pagpasok sa buhay na walang hanggan kasama ang Diyos.
“Kahit ikaw ay mamatay, tagumpay ka pa rin. Bakit? Sapagkat ang kamatayan mo ay hindi pagkatapos ng buhay kundi pagpasok sa buhay na walang hanggan kasama ng Panginoon. WAgi ka pa rin,” ayon kay Bishop Bacani.
Sa Pilipinas, naitala na ang higit sa anim na libo ang kaso ng mga nahawaan ng Covid-19, 437 ang nasawi habang 654 naman ang gumaling mula sa sakit.