331 total views
Hinikayat ng arsobispo ng Maynila ang mananampalataya na patuloy magtiwala sa Panginoon sa gitna ng pandemya.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria.
Ayon sa cardinal, mahalagang matutuhang ipagkatiwala sa Panginoon ang lahat ng bagay sapagkat bukod tanging Diyos lamang ang nakakaalam.
“Sa gitna ng krisis, PAGTITIWALA AT PAGTALIMA ang tugon; ito ang itinuro sa atin ng pandemya. Dahil hindi natin kontrolado ang virus, ang ating tugon ay PAGTITIWALA. Hindi natin kayang kontrolin sa ating kamay ang pandemya. Ipagkatiwala natin ang lahat sa kamay ng Diyos,” mensahe ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Hinimok din ng arsobispo ang mananampalataya na makiisa sa pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria at kay San Jose.
“Let us entrust our nation and our families to the mercy of God, the maternal embrace of the Blessed Virgin Mary and the fatherly protection of St. Joseph,” ani ng Cardinal.
Umaasa ang pinunong pastol ng Maynila na maging huwaran ng mamamayan si Maria at San Jose na buong kababaang loob tinanggap ang nais ng Diyos na maging magulang ni Hesus sa sanlibutan.
Ipinaalala ni Cardinal Advincula na dahil sa pagsunod ng mga magulang ni Hesus sa Panginoon ay natubos sa kasalanan ang sanlibutan.
“May Pasko dahil may Maria at Jose na nagbigay ng kanilang sarili upang matupad ang plano ng Diyos. Hilingin din natin ang biyayang ito na maging bukas sa plano ng Diyos upang maihatid rin natin si Hesus sa mundong naghihintay sa kanya,” saad ng cardinal.
Samantala, kasabay ng kapistahan ng Immaculada Concepcion magtatapos na rin ang Taon ni San Jose na unang itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco noong 2020 bilang pagkilala sa ika – 150 anibersaryo ng pagiging patron ni San Jose sa simbahang katolika.
Kaugnay dito pangungunahan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang National Consecration to the Immaculate Conception and National Consecration of Families to St. Joseph alas onse ng umaha sa San Roque Cathedral.
Matutunghayan ang buong pagdiriwang sa DZRV 846, TV Maria, CBCP News, Dominus Est at sa iba’t ibang social media pages ng mga simbahan sa bansa.
Sa huli umaasa si Cardinal Advincula na tanggapin ng bawat isa si Hesus na isilang para sa kapayapaan, pagkakaisa at katubusan ng sanlibutan.
“Patuloy na kumakatok ang Diyos, patuluyin natin siya at panahanin sa ating bayan, mga pamilya at sa ating puso,” ayon pa ni Cardinal Advincula.