1,947 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na tuwinang magtiwala sa mga plano ng Diyos.
Ito ang pagninilay ni Cardinal Advincula sa banal na pagdiriwang para sa kapistahan ng Mahal na Birhen ng Medalya Milagrosa sa Our Lady of Miraculous Medal Chapel sa National Center for Mental Health, Mandaluyong City.
Sa ebanghelyo na sinabi ni Maria sa mga apostol na magtiwala at sundin ang atas ng Panginoon.
Paliwanag ni Cardinal Advincula na walang dapat pangambahan at pagdudahan sa mga plano ng Panginoon sapagkat hinangad lamang ng Diyos ang anong nararapat at makabubuti para sa lahat.
“Magtiwala sa plano ng Diyos, dahil lahat ng kanyang plano para sa atin ay may magandang kalalabasan. Kaya kung tingin natin ay hindi pa maganda ang bunga, hindi pa maganda ‘yung kinalalabasan, ibig sabihin lang noon, hindi pa tapos ang plano ng Diyos. Hindi pa iyon ang final product,” pagninilay ni Cardinal Advincula.
Dalangin naman ng arsobispo na tulad ng mga apostol, ang mga mananampalataya nawa’y marinig din ang tinig ng Mahal na Birhen na nanghihikayat na ibigay ang buong tiwala sa Panginoong-Diyos.
Sapagkat sa anumang mga pagsubok sa buhay, ang pananalangin at pagtitiwala sa Diyos ang mabuting sandata upang makamtan ang liwanag at pag-asang inaasam.
“Sa pagbibigay ng ating tiwala, makita din natin nang may pag-asa ang magandang bunga ng lahat ng ito dahil kapag marunong tayong magtiwala sa plano ng Diyos, hindi rin tayo mawawalan nang pag-asa. Dahil ang umaasa sa Diyos ay nagtitiwala sa Diyos,” ayon kay Cardinal Advincula.