626 total views
Ikinalungkot ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na tinatayang 87 milyong mga bata sa buong mundo ang namumuhay sa kaguluhan.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, ang digmaan at kaguluhan ang malaking problemang kinakaharap ng mundo ngayon.
Aniya, mahalagang pahalagahan ng lahat ang pagsisikap na makamit ang kapayapaan upang mabawasan na ang karahasan at pangamba ng mga bata at pamilya na namumuhay sa takot dahil sa patuloy na kaguluhan.
“Nakikita nga natin na yun ang suliranin ng daigdig, walang kapayapaan at sa kani – kanilang mga bansa ay maroong kaguluhan. At dahil dito ang nagiging biktima ay yung mga kabataan, yung mga pamilya. Ito ay aral na rin ng pagbibigay ng kapayapaan sa daigdig. Ang digmaan ay walang maidudulot ng mabuti kundi pagkakasira, pagkakawatak – watak at pagkakahiwa – hiwalay ng tao at kasama na ang kapisalaan, kamatayan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Hiniling rin nito na kaakibat ng kapayapaan ang pagbibigay ng sapat na trabaho sa mga biktima ng digmaan upang matulungan sila mula sa trahedyang kanilang naranasan.
“Ang nararapat na tungkulin na dapat gawin sa kaguluhan ay kapayapaan, higit sa lahat ang kapayapaan ay magkaroon ng mabuting kalagayan higit sa lahat sa ikabubuhay ng tao ibigay ang trabaho sa bawat isa,” giit pa ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Sa Pilipinas, tinatayang nasa mahigit 3 milyong na ang internally displaced persons o IDPs dahil sa hidwaan sa Mindanao at halos P76 na bilyon na ang nagastos ng pamahalaan upang makamit lamang ang kapayapaan.