81 total views
Nanindigan si Cubao Bishop Elias Ayuban Jr., CMF na ang mga batas na ipinatutupad sa lipunan ay dapat na nakaugat sa mga turo ng Panginoon upang mapanatili ang katatagan ng pamayanan.
Sa nagpapatuloy na National Convention ng Canon Law Society of the Philippines, na may temang “The Church and the State: Distinct but not Separate,” binigyang-diin ng obispo na bagamat magkaiba ang pamamahala ng gobyerno at simbahan, magkaugnay pa rin ang kanilang paglilingkod sa sambayanan. Dahil dito, mahalagang ang mga batas ay naaayon sa kalooban ng Diyos.
“Kung ang ating mga batas ay hindi nakaugat sa batas ng ating Panginoon, ang ating lipunan ay babagsak,” pahayag ni Bishop Ayuban sa panayam ng Radio Veritas.
Isa sa mga tinalakay sa pagpupulong ay ang usapin ng diborsyo, kung saan nananatiling matibay ang paninindigan ng Simbahan sa kasagraduhan ng kasal at sa kahalagahan ng pamilya bilang pundasyon ng lipunan.
Ayon kay Bishop Ayuban, ang pagtutol ng Simbahan sa diborsyo ay alinsunod sa Canon Law, sapagkat saklaw nito ang sakramento ng kasal.
“Maaaring may maling pag-unawa dito, sapagkat ang kasal ay isang institusyong kinikilala at ipinagtitibay ng Simbahan, kaya may karapatan itong makialam,” paliwanag ng obispo.
Dagdag pa niya, bilang mga binyagang Kristiyano, tungkulin ng bawat isa na malaman ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Canon Law. Hinihikayat niya ang mga layko na pag-aralan ang mga batas ng Simbahan, na maaaring basahin sa website ng Vatican (vatican.va) upang lumawak ang kanilang kaalaman sa pananampalataya.
“Hinihikayat ko ang mga layko na alamin ang Code of Canon Law, dahil marami ang hindi pamilyar sa kanilang mga tungkulin at karapatan bilang kasapi ng Simbahan. Mahalaga ring maunawaan nila na sila ay may hawak na mga karapatan at obligasyon sa ilalim ng Canon Law,” ani Bishop Ayuban.
Mahigit 200 delegado ang dumalo sa 31st Canon Law Society of the Philippines Convention na ginanap sa Novotel, Quezon City, mula Pebrero 24 hanggang 27, 2025.