363 total views
Naniniwala ang Commission on Elections (COMELEC) na mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga opisyal at lingkod ng Simbahan upang magabayan ang bawat mamamayan sa mahalagang pagdidesisyon para sa nakatakdang halalan.
Ito ang bahagi ng pahayag ni COMELEC Commissioner Ma. Rowena Amelia Guanzon sa mahalagang papel ng Simbahan para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections sa naganap na election webinar ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP).
Ayon kay Guanzon, higit na mas malawak at katiwa-tiwala ang impluwensya sa taumbayan ng Simbahang Katolika lalo na sa usapin ng pagpapamalas ng pagmamahal sa bayan at mahahalagang usaping panlipunan.
Partikular na tinukoy ni Guanzon ang pangangailangan ng gabay ng mga kabataan lalo na ang mga first time voters sa pagpapasya at paraan ng pagsusuri sa kung sino ang karapat-dapat na mga opisyal na ihalal para sa nalalapit na halalan.
“There may be no Catholic vote but I think that our elders and or leaders of the Church have a duty to guide all of us especially young people on what it means for you and the country if you vote wisely. So our spiritual elders can tell us the consequences when they educate us on how to use this votes, what are the standards for a good candidate, they can also teach us what would be the consequences,” pahayag ni Guanzon.
Pagbabahagi ni Guanzon, bagamat walang tinatawag na Catholic vote ang mga Katoliko dahil sa ipinagkaloob ng Panginoon na ‘freewill’ ay mahalaga ang tungkulin ng mga lingkod at opisyal ng Simbahan upang magabayan ang bawat isa sa pagninilay sa tama at makabubuti para sa mas nakararami.
“More than the majority of our Filipinos are Catholic and they send their children to Catholic schools yet there is no Catholic votes, because the Catholics we Christians believes that God gave us freewill and so that why there is no Catholic vote because the Catholic church does not want to imposed its will on the people,” dagdag pa ni Guanzon.
Sa kasalukuyan patuloy ang puspusang kampanya ng Simbahan para sa nalalabing araw ng voters registration ng COMELEC na magtatagal na lamang hanggang sa ika-30 ng Setyembre.
Samantala, inaanyayahan ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) ang bawat isa na balikan ang mga naging talakayan sa election webinar series ng organisasyon na may titulong “Vote, Pray, and Love: The Meaning and Power of Our Vote” at “Tender Love n’ Citizenship: Ways to be Involved in the 2022 Elections” sa YouTube channel ng CEAP na CEAP Channel.