762 total views
Isang malaking irony o kabalintunaan ang ating nararanasan ngayon. Ang ating kongreso, kapanalig, sa halip bigyang prayoridad ang pangangalaga ng kabataan, ay nagsusulong pa na pababain ang minimum age of criminal responsibility o MACR sa edad na siyam na taon mula 15.
Habang sinusulong ito ng ating mga mambabatas, hindi naman nila binibigyang prayoridad ang isyu ng child labor. Sa ating bayan, maraming mga bata ang nagtatrabaho na mula limang taong gulang pa lamang. Ibig ba sabihin nito, ang mga bata ay dapat na ituring ng ating lipunan bilang mga ganap na “adults” —trabahante na at maaring maging kriminal?
Ayon sa 2011 Survey on Children, tinatayang nasa 3.3 million ang bilang ng mga nagtatrabahong batang may edad 5 hanggang 17. Ito ay 12.4% ng mga 26.6 milyong batang nasa naturang edad sa ating bansa. Isa sa sampung bata ang nagtatrabaho na sa labing-apat ng labing-pitong rehiyon sa ating bansa. Ang nakakalungkot pa dito kapanalig, dalawang milyon sa 3.3 milyong nagtatrabahong bata sa ating bansa ay nasa mapanganib na sitwasyon o hazardous working conditions.
Ito ang masalimuot na realidad ng maraming bata sa ating bansa. Ito ay mga datos na dapat tingnan ng ating mga mambabatas. Isa ito sa mga dapat isa-prayoridad ng ating administrasyon. Dapat bang hayaan nating magtrabaho ang mga batang limang taon pa lamang? Ayon sa International Labour Organization, karamihan sa mga child workers na ito ay makikita sa sakahan at plantasyon, sa mga minahan, sa kalye, sa mga factories o sa mga kabahayan kung saan sila ay nagpapakatulong.
Ang mga ganitong trabaho ay natural na lampas sa kakayahan ng bata. Tinatanggal nito ang karapatan at kalayaan ng mga bata na maglaro, mag-aral, at magpahinga. Marami pa sa kanila ay verbally at physically abused.
Kapanalig, ang respeto sa dignidad na hinihingi natin para sa ating sarili ay dapat din nating hingin para sa mga bata. Sila ay bulnerable. Sila ay isa sa pinakamahirap na batayang sektor sa ating bansa. Nasa 35.3% ang poverty incidence sa kanilang hanay.
Ayon kay Hesus sa Matthew 19:14, Let the little children come to me. Pero sa ating bansa, ang mga bata ay ating tinutulak o hinahayaan sa buhay na walang dignidad. Isang paalala para sa ating mambabatas mula sa Gospel of Life ni Pope John Paul II: Ang batas ay may mahalagang papel hindi lamang sa pagprotekta ng buhay kundi sa paghulma ng ugali at pag-iisip ng mamamayan. Ang mga nasa pwesto ay may obligasyon na magiting na sumuporta sa pagsulong ng buhay ng tao, mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang pagtanda. Ito ay isang responsibilidad na hindi dapat isantabi, lalo na kung kailangan nitong gumawa ng desisyong panglehislatura. Sa huli, tayong lahat ay mananagot sa Diyos at sa ating sariling konsensya.