205 total views
Ito ang panawagan ni Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg, sa gitna ng kinakaharap na iba’t- ibang suliranin ng kalikasan dahil sa mapaminsalang gawain ng mga tao.
Ayon kay Archbishop Utleg, labis na ang dinaranas na kalupitan ng kapaligiran dahil sa walang habas na pagkonsumo ng tao.
Kaya kasabay ng nalalapit na pagdiriwang ng Earth Day binigyang diin ng Arsobispo na mahalagang mahalin, linisin at ibalik ang balanse ng daigdig dahil ito lamang ang nag-iisang tahanan ng lahat ng mga nilalang ng Panginoon.
“Let us take care of our common home our mother Earth, wala na tayong ibang tahanan kundi itong mundo natin, ito ay bigay, regalo sa atin ng Diyos, mahalin natin, linisin natin, pagandahin natin at alagaan natin.” Pahayag ni Bishop Utleg sa Radyo Veritas.
Samantala, binigyang diin rin ni Boac, Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit, ang kahalagahan ng pagkakaisa ng lahat ng tao, anuman ang relihiyon o katayuan sa buhay upang magampanan ang responsibilidad na pangalagaan ang daigdig.
Naniniwala si Bishop Maralit na kung isasapuso ng bawat tao ang pagturing sa daigdig bilang ating tahanan ay mapananatili itong maayos, malinis at maganda.
“Ang nag-iisa nating tahanan ay bahagi talaga ng ating responsibilidad na pangalagaan, at hindi lamang basta pangalagaan kundi itaguyod bilang isang tahanan. As far as I know pag tahanan mo, you keep it clean, and make sure that it is maintained.”pahayag ni Bishop Maralit.
Umaasa din ang Obispo na sa pagdiriwang ng Earth day ay makikiisa ang lahat ng indibidwal at ipamamalas ang seryoso nitong pagtugon sa kinakailangang pag-aaruga ng kalikasan.
“I hope everybody will be part of this celebration of the Earth Day and not only on Earth day but a total, total talagang pagco-consider, pag-alala pagbibigay ng kakayanan nating lahat to take care of this single home that we have,” dagdag pa ng Obispo.
Ngayong Linggo ika-22 ng Abril gaganapin ang ika-48 taong paggunita sa Earth Day.
Inaasahang magtitipon-tipon ang milyun-milyong mga indibidwal sa iba’t-ibang bahagi ng mundo upang ipakita ang kanilang malasakit sa kalikasan.
Sa Pilipinas magkakaroon naman ng pagtitipon sa CCP Complex Pasay City, at mayroon ding mga workshops sa iba’t-ibang parokya ng Archdiocese of Manila.