422 total views
Mga Kapanalig, umabot ng hanggang alas-dos ng umaga noong nakaraang Miyerkules ang sesyon ng Senado tungkol sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (o MIF). Pirma na lang ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr ang hinihintay upang tuluyan na itong maging batas.
Unang lumutang noong Disyembre ang tungkol sa pagbubuo ng tinatawag na sovereign wealth fund o pondong pagmamay-ari ng gobyerno na maaaring gamitin nito upang mamuhunan at nang sa gayon ay kumita. Ang kita mula sa mga investments ay ipandadagdag sa panggastos ng gobyerno para sa mga mahahalagang proyekto at programa nito. Sa ibang bansa, ang isang sovereign wealth fund ay mula sa surplus revenues nito o kapag may labis sa pondo ang gobyerno matapos gastusan ang mga dapat pagkagastusan.
Sa ngayon, walang surplus revenues ang ating gobyerno. Baon pa nga tayo sa utang. Sa ulat ng Bureau of Treasury, ang kabuuang utang ng Pilipinas nitong Abril ay umabot na sa 14 trilyong piso! Kung hahatiin ang halagang ito sa estimated na populasyon ng Pilipinas ngayong taon na 112.9 milyon, may utang ang bawat isa sa atin na ₱123,224. Kung paghahatian naman ito ng 27.5 milyong pamilya, bawat pamilya ay may tumataginting na utang na ₱505,219.
Sa panukalang batas na ipinasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ang pondong bubuo sa MIF ay magmumula sa mga bangkong pag-aari ng gobyerno katulad ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines. Gagamitin din ang dibidendo ng Bangko Sentral. Una nang inalmahan ng marami ang plano noong gamitin din ang pension funds ng SSS, GSIS, PhilHealth, at PAG-IBIG Fund, kaya naman, inalis na ang mga ito sa huling bersyon ng panukalang batas.
Ngunit hindi naman pinipigilan ang mga korporasyong ito na magpahiram ng pera sa MIF. Nariyan pa rin ang pangambang sumali sa MIF ang mga ahensyang nangangasiwa sa mga kontribusyon ng mga manggagawa at sa kanilang pensyon. Nangangamba rin ang mga kritiko ng MIF na magagamit ang kaban ng bayan upang saluhin ang MIF sakaling malugi ito. At kapag ganito ang mangyayari, mapipilitan ang gobyernong magpataw ng mas mataas na buwis o umutang nang mas malaki.
Bakit kaya kating-kati ang ating mga mambabatas na itatag ang Maharlika Investment Fund?
Hindi tayo magtataka kung may halong pulitika ang pagkakapasa ng naturang panukalang batas. Nang sinabi ni PBBM nitong Mayo lamang na “urgent” ang panukalang batas—ibig sabihin, kailangan nang maipasa sa lalong madaling panahon—agad na tinalakay ng mga senador ang MIF kahit pa inabot sila nang madaling-araw.
Kung magpapakitang-gilas na rin lang ang ating mga mambabatas, mas pagtuunan sana nila ng pansin ang pagpasá ng mga batas na tutugon sa mga kagyat na pangangailangan ng mga Pilipino. Kabilang dito ang pagtataas ng minimum wage, pagbura sa kakulangan natin ng mga silid-aralan at mga guro, pagpopondo sa mga programang pangkalusugan at pangkalikasan, at pagpapababa sa ating utang. Sa ganitong paraan, mas makukuha nila ang buong tiwala ng taumbayan, bagay na mukhang kulang—o wala—sa pagmamadali nilang itatatag ang MIF.
Mga Kapanalig, minsang sinabi ni Pope Francis na kailangan natin ng mga “wise politicians”, mga pulitikong marunong at masinop sa pondong ipinagkakatiwala sa kanila ng taumbayan. Dumami sana ang mga ganitong lider sa ating bayan. Paalala pa sa atin sa Mga Kawikaan 29:2, “Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya.” Panatag tayong mga mamamayan kapag mapagkakatiwalaan natin ang ating mga pinuno. Mas susundin natin ang mga batas, mas makikilahok tayo sa mga usaping-bayan, at mas mag-aambag sa kaunlaran ng ating komunidad. Sa isyu ng MIF, malaking trabaho ang gagawin ng ating mga lider upang makuha ang buong tiwala ng taumbayan.
Sumainyo ang katotohanan.