431 total views
Muling nanawagan sa pamahalaan ang Diocese ng Legazpi kaugnay sa quarrying sa lalawigan ng Albay na nagdulot ng matinding epekto at panganib sa mga residente sa nagdaang Super Typhoon Rolly.
Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon, nawa’y magpatupad ng mahigpit at istriktong panuntunan ang pamahalaan hinggil sa pagsasagawa ng quarrying.
Hiling din ng Obispo na maari namang ipahintulot ang quarrying sa tamang lugar nang hindi magdudulot ng malaking epekto sa kalikasan at magdudulot ng kapahamakan sa mga residente.
“Panawagan namin sa pamahalaan na sana’y istriktong ipatupad an[g] pag-quarry duon lang sa tamang lugar at hindi yung kahit saan-saan na lang,” ang pahayag ni Bishop Baylon sa panayam ng Radyo Veritas.
Iminungkahi ni Bishop Baylon na mas makabubuti at dapat na magsagawa ng quarrying sa gullies o mga kanal sa palibot ng Bulkang Mayon na likas o natural nang pinagdadaluyan ng tubig at lahar.
“Hindi po masama ang pag-quarry, kasi kailangan natin ang mga aggregates para sa paggawa ng mga kalsada, bahay, atbp. Kaya lang dapat sa tamang lugar mag-quarry, at hindi yung kahit saan lang naisin ng nagku-quarry. Ang mga gullies sa palibot ng Mayon ang ideal na lugar kasi duon natural na dumadaloy ang tubig at lahar,” ayon sa Obispo.
Umabot sa halos 300 tahanan sa bayan ng Guinobatan sa Albay ang naiulat na nabaon sa pinaghalong buhangin, putik, lahar, at maging malalaking bato mula sa bulkang Mayon.
Taong 2006 naman nang magdulot rin ng matinding pagkawasak sa Bicol Region ang Super typhoon Reming na nag-iwan ng aabot sa 1,366- katao na nasawi nang magkaroon ng mud flow mula sa bulkang Mayon.
Tiniyak naman ng Department of Environment and Natural Resources sa publiko na magsasagawa ito ng imbestigasyon sa quarrying kahit na inanunsyo na nito ang suspensiyon ng quarrying activities sa lalawigan bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.