365 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga deboto at mananampalatayang nagsisimba.
Ipapatupad ang mahigpit na seguridad kasunod ng naganap na pagpapasabog sa Jolo Cathedral noong Linggo ika-27 ng Enero.
Ayon kay Rev. Fr. Douglas Badong – Parochial Vicar ng Quiapo Church, mayroon nang karagdagang K-9 units ang naglilibot sa paligid ng Simbahan habang nagdagdag na rin ng mga security personnel.
“Sa ngayon nagdagdag ng mga K-9, tapos pinapalibot palagi kasi yung mga K-9 namin mababait na daw kaya pinapalitan sila para talagang ma-check tapos nagdadagdag din ng mga security personnel tapos mas doblehin pa o triplehin pa yung pag-iikot nila, every now and then chini-check yung mga bangko, yung mga upuan pati yung mga natutulog kapag gabi, so ichini-check din yun…” pahayag ni Father Badong sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaapela naman ang Pari sa bawat mananampalataya at mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na maging mapagmatyag sa kalagayang pang-seguridad sa paligid ng Simbahan.
Hinimok ni Father Badong ang lahat na tumulong at makibahagi sa pagtiyak ng kaligtasan bawat mamamayan sa pamamagitan ng pagiging mapagmasid at agad na pagsusumbong sa mga otoridad ng anumang kahina-hinala sa labas at loob ng Simbahan.
“Sa mga pupunta ng Simbahan, isipin din natin yung kapakanan ng kasama natin at maging mapagmasid, laging i-report kung merong mga kahina-hinala, tumulong lang tayo sa ikakaayos din naman at ikakaligtas ng bawat isa…” dagdag pahayag ni Father Badong.
Ang pahayag ng Pari ay kaugnay sa paglalagay sa ‘heightened alert’ sa buong bansa kasunod ng naganap na dalawang pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral noong Linggo ika-27 ng Enero kung saan umabot sa mahigit 20 ang namatay habang mahigit 100 naman ang sugatan.
Ang Minor Basilica of the Black Nazarene ay dinarayo ng libu-libong deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Kaugnay nito sa Archdiocese of Davao ay una ng ipinag-utos ni Davao Archbishop Romulo Valles at Davao Mayor Sarah Duterte ang pagbabawal sa pagdadala ng mga bag tulad ng backpack at knapsacks sa loob ng mga Simbahan bilang bahagi ng ‘security measure’ ng Simbahan.