157 total views
Hindi pa ramdam ng mahihirap ang pagbabagong ipinangako ng administrasyong Duterte sa unang 100 araw ng pamamahala nito sa bansa.
Ayon kay Gloria Arellano , national chairperson ng grupong Kadamay, ito’y dahil sa wala pa sa unang programa ng gobyerno ang paglaban sa kahirapan lalo na at nakasentro ito ngayon sa paglaban sa iligal na droga.
Dagdag ni Arellano, sa kasalukuyan nagpapatuloy pa rin ang demolisyon kung saan nasa 4,000 mga bahay ang giniba simula ng June 30, 2016 at maging ang pag-aalis ng kontraktuwalisasyon ay hindi pa rin nila nararamdaman bagamat may mga pahayag na ang pamahalaan na unti-unti itong tatapusin.
Gayunman, umaasa ang grupong Kadamay na nawa maramdaman na nila ang pangako ng Pangulong Duterte sa mahihirap sa susunod na taon.
“Sa 100 days ni Duterte sa poverty hindi pa po magbabago kasi wala sa unang programa niya yun, yung dating kahirapan andiyan pa rin bagamat may mga programa na siyang sinasabi at maging ang mga cabinet members, hindi pa nasisimulan yang sa kahirapan, ang inuna niya ang ‘Oplan Tokhang, pero sa kahirapan mula noong June 30 nagpapatuoy pa rin halimbawa ang demolisyon, nasa 4,000 na ang na demolished , at yung pangako niya na trabaho o pag-alis ng contractualization, di pa nararamdaman bagamat sinisimulan ng pag-usapan,” ayon kay Arellano sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa 10.5 milyong pamilyang Filipino o 46% ang nagsabing sila ay mahirap sa unang quarter ng 2016, mas mababa sa 11.2 milyong pamilyang Filipino o 50% noong 2015 sa kaparehong panahon.
Una ng ipinanawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagkalinga sa mahihirap sa pamamagitan na rin ng awa na may kaakibat na gawa gaya ng pagbabahagi sa kanila ng kanilang mga pangunahing pangangailangan at huwag silang balewalain ng estado.