195 total views
Higit na apektado ang mga mahihirap sa bansa.
Ito ang inihayag ni Senator Paolo Benigno Aquino IV ang Chairman, Senate Committee on Science and Technology kaugnay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ng mga pangunahing bilihin dulot ng Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law.
Paliwanag ng Senador bagamat marami ang maikokonsederang dahilan sa pagtaas ng presyo ng produktong langis ay hindi rin maitatanggi na nakadadagdag ang TRAIN Law sa pagtaas nito.
Ayon kay Aquino, dapat gumawa na ng hakbang ang pamahalaan upang matugunan ang suliranin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Itong pagtaas ng presyo ng mga bilihin itong pagtaas ng presyo ng petrolyo yung pinaka natatamaan po sa TRAIN Law ay iyong mga mahihirap po nating mga kababayan. Hindi naman puwedeng ipagkaila na pag-itinaas po yung presyo ng gasoline, ng diesel at ng kerosene ay talagang magtataas po yung presyo ng bilihin. Maraming rason kung bakit tumataas ang presyo ng Petroleum products unang una diyan worldwide prices. Pangalawa po yung exchange rate natin pero sabi ko nga po doon sa nakaraang hearing noong nakaraang linggo ay meron tayong kontrolado at hindi kontrolado.” pahayag ni Senador Aquino sa panayam ng Radio Veritas. Tinututukan ngayon ng mambabatas ang pagsuspende ng TRAIN Law.
Batay sa panukala, kung lalampas sa inflation rate range ay aalisin ang idinagdag sa presyo ng langis na tinatayang hanggang 3 piso.
Magugunitang sinabi noon ng Department of Finance na hindi lalampas sa 4-percent ang inflation rate kapag naipatupad ang TRAIN Law ngunit sa kasalukuyan ay umaabot na sa 4.4-percent ang inflation rate sa bansa.
Una nang itinuring ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na pabigat sa mamamayan ang TRAIN Law dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa na karaniwang kinokonsumo ng mga ordinaryong mamamayan.