161,153 total views
Mga Kapanalig, sa isa na namang pagtatangka ng gobyernong linisin ang Ilog Pasig, mga mahihirap na naman ang target na paalisin sa kanilang mga tahanan.
Dalawang Miyerkules na ang nakalilipas nang ilunsad ng pamahalaan ang “Pasig Bigyang Buhay Muli” o PBBM, isang pangalang halatang isinunod sa initials ng presidente. Salamat sa 18 bilyong pisong donasyon mula sa pribadong sektor, mapapaganda na raw ang Ilog Pasig upang maging sentro ng negosyo at turismo. Ang pampang ng ilog mula sa lungsod ng Pasig hanggang Maynila ay patatayuan ng tinatawag na mixed-use development. Sa showcase area kung saan inilunsad ang proyekto—ito ay sa may bahagi ng Manila Central Post Office—magkakaroon daw ng mga public parks, pedestrian-friendly walkway, water fountain, at sitting areas para sa mga open-air events. “Bagong pag-asa” at “isang malaking hakbang patungo sa Bagong Pilipinas” ang PBBM, sabi ni PBBM.
Hulyo noong isang taon nang lagdaan ni Pangulong BBM ang Executive Order No. 35. Isa itong kautusan upang i-rehabilitate ang Ilog Pasig at ibalik ito sa “historically pristine condition”. Nais ng gobyernong maging malinis ang ilog at ang kapaligiran nito upang magkaroon tayo ng alternatibong transportasyon at mga espasyo para makapaglibang ang ating mga kababayan, lalo na ang mga bata at matatanda. Magagandang layunin ang mga ito, hindi po ba?
Ngunit kasabay ng paglulunsad ng proyektong buhayin muli ang Ilog Pasig ay ang anunsyo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na kakailanganing alisin ang mahigit 10,000 na informal settler families (o ISFs) sa mga daluyan ng tubig at esterong konektado sa Ilog Pasig. Katulad ng dati, ang mga pamilyang nakatira sa tabing-ilog at mga komunidad na walang kasiguruhan sa paninirahan ang laging sinisisi sa pagiging marumi ng Ilog Pasig.
Hindi naman natin itinatanggi ang kontribusyon ng mga komunidad na ito sa duming napupunta sa ilog. Pero hindi ba makokontrol iyon kung maayos na kinokolekta ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang basura? Kung may puwang din lamang sila sa mas ligtas na lugar sa mga lungsod, mapipilitan ba silang tumira sa tabing-ilog na napakadelikado rin?
Dagdag ni Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA) Chairman Romando Artes, pansamantalang ililipat ang mga ISFs sa mga container vans. Ilalagay ang mga ito sa mga itatalagang staging areas o mga lugar kung saan mananatili ang mga apektadong pamilya habang ipinatatayo naman ang pabahay na paglilipatan nila.
Iyon ay kung may paglilipatan nga sila o kung kakayanin nga nilang lumipat sa mga proyektong pabahay na ito. Ang gusto kasi ng DHSUD, ayon mismo sa MMDA, ay mga high-rise buildings o mala-condominium na pabahay. At hindi libre ang mga ito. Babayaran ng mga pamilya ang paglilipatan nila, at batay sa mga paunang kalkulasyon, hindi kakayanin ng bulsa ng mahihirap ang buwanang hulog para sa isang unit. Lagi namang sinasabi ng DHSUD na may subsidiyang ibibigay ang gobyerno upang maging abot-kaya ang mga proyektong pabahay nito. Ngunit kakayanin ba talagang magbigay ng malaking subsidiya ng gobyerno nang pangmatagalan?
Mga Kapanalig, isa sa mga batayang prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ang pagkiling sa mahihirap o preferential option for the poor. Sa pagbuhay muli sa Ilog Pasig, makita sana natin ang pagkiling na ito sa pamamagitan ng pagtitiyak ng gobyernong hindi maisasantabi ang mahihirap. Sa halip na hayaang maging tampulan ng sisi at paalisin sa kanilang tirahan na parang basura, isama sana sila sa pagpaplano ng kanilang komunidad. Bigyan din sila ng pagkakataong manatili sa lungsod na lumago dahil sa kanilang pagsusumikap. Tayo namang sabik na sabik na palayasin ang mga ISFs, tandaan sana nating “ang humahamak sa [mahihirap],” ayon nga sa Mga Kawikaan 14:21, “ay gumagawa ng masama.”
Sumainyo ang katotohanan.