344 total views
Ipinapaalala ng paggunita ng ‘World Day of the Poor’ na ang mga pinakamahihirap at nasa laylayan ng lipunan ang sentro ng mabuting balita ng Panginoon.
Ito ang mensahe ni Radyo Veritas President at Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual sa pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa ika-limang taon ng World day of the Poor sa November 14 2021.
“Ang tanging hamon ng ‘World Day of the Poor’ ay ipaalala sa atin na ang mahihirap ang sentro ng mabuting balita ng Panginoong Hesukristo nang siya’y nagkatawang tao at yumakap sa karukhaan natin, kasalanan, kasalatan, kamangmangan natin, [at] kawalan. Kaya’t bilang Simbahan ito din ang ating hamon,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas
Ayon sa Pari, anuman ang magiging hakbang at desisyon ng lipunan ay nararapat na unahin ang pagsasapuso kay Hesus.
“‘Yung patuloy nating preferencial option for the poor, pagpapahalaga sa mahihirap sa lahat ng ating ginagawa ang palaging tanong natin sa lahat ng ating ginagawa produkto man ito o serbisyo, anong impact nito? Anong epekto nito sa mga mahihirap? Sabi nga sa Mateo 25, anuman ang gawin mo sa pinakamaliliit ay ginawa mo kay Kristo,” pagbibigay diin ni Fr.Pascual.
Samantala, inihayag ng Pari na magbibigay ng tulong ang Caritas Manila sa mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan sa pamamagitan ng pamamamahagi ng pangpuhunan, pagkain, at mga gift certificate.
Ibinahagi naman ni Fr. Pascual ang pagdaraos ng banal na misa sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral sa ika-15 ng Nobyembre sa pangunguna ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula kasama ang iba pang church ministry na tumutulong din sa mga mahihirap.
“Oo napakarami nating programa, mayroon tayong misa sa November 15, 2021 ng umaga sa Manila Cathedral kasama natin si Cardinal Jo Advincula, kasama natin ang iba pang mga ministry na tumutulong directly sa mga mahihirap at ang Caritas Manila ay magbibigay ng pagkain sa mahihirap, puhunan, at itong gift certificate. Tayo’y mamumudmod sa mga poorest of the poor,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Magugunitang noong Hunyo ay una ng inanusyo ng Kaniyang Kabanalang Francisco ang temang “The poor will always have with you” para sa ika-limang taong paggunita sa World Day of the Poor.
Ayon sa Holy See, sa paggunita ng World Day of the Poor sa ika-14 ng Nobyembre ay nakatakdang muling mag-misa ang Santo Papa Francisco sa St. Peter’s Basilica.
Ang taunang kaganapan ay sinimulan ni Pope Francis noong 2016 upang iparating sa buong mundo ang kahalagahan ng patuloy pagtulong at sa mga labis na nangangailangan.