225 total views
Tungkulin ng lipunan na patatagin ang pundasyon ng pamilya upang masolusyunan ang lumalalang krisis sa iligal na droga.
Ito ang ang inihayag ni dating CBCP – Epicopal Commission on Family and Life chairman at San Fernando, Pampanga Archbishop Emeritus Paciano Aniceto sa dumaraming bilang ng extra – judicial killings sa bansa dahil sa pagkakalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Paliwanag ni Archbishop Aniceto kinakailangan ng “total societal concept” na pagsugpo ng iligal na droga kung saan nagtutulungan ang gobyerno, simbahan at komunidad sa pagpapatatag ng pundasyon ng pamilyang Filipino.
“Pumapasok yung mga iba’t ibang aspeto na solusyon na dapat ibigay. ‘Di pwede yung mga bilis bilisan, kung anu yung naisip natin lamang. This is a total societal concept kaya kailangan ang pamilya dyan nanggagaling ang buhay at ang pamilya sabi ng constitution ng Pilipinas, ‘the family is the foundation of society it has the invariable right,’ na dapat itong pamilyang ito igalang ang kasagraduhan ng pamilya at dapat ay ipagtanggol ng gobyerno ang pamilya kaya yung ating sistema sa CBCP ay ‘the Pilipino family are missionary disciple of the eucharist,’” pahayag ni Archbishop Aniceto sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Kailangan rin aniyang pagtibayin ng pamahalaan ang “judicial structure” ng bansa na iginagalang dapat ang kasagraduhan ng buhay at lalo’t higit ang pamilya na siyang pinakamaliit na pangkat ng lipunan.
“Gaya ng total societal responsibility kasama po diyan ang simbahan, gobyerno, ahensya ng gobyerno, DSWD strengthen the judicial structure at hustisya. Ito ay mabilis na proseso, kailangan ng tunay na pagninilay-nilay, discernment we pray over it biological interaction element of society,” paliwanag pa ni Archbishop Aniceto sa Radyo Veritas.
Nabatid na mula July 1 hanggang unang Linggo ng Nobyembre taong kasalukuyan tinatayang nasa mahigit apat na libo na ang namatay na may kinalaman sa patuloy na kampanya kontra iligal na droga.
Magugunitang matagal na ring ipinaglalaban ni Archbishop Aniceto ang kasagraduhan ng buhay lalo noong inihain sa 15th Congress ang Reproductive Health Law at ang Divorce kung saan nahati pa ang lupon ng mga kongresista sa “Team Buhay” at “Team Patay.”