660 total views
Nagagalak at nagpasalamat ang Arkidiyosesis ng Maynila sa pasya ng mga alkalde ng Metro Manila na ibaba ang oras ng curfew upang bigyang daan ang tradisyunal na misa de gallo at Simbang gabi.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, ito rin ay resulta sa pakikipag-ugnayan ng simbahang katolika sa LGUs partikular sa Manila.
“Natutuwa tayo for this consideration. Bahagi na ito ng pinag-uusapan namin ni Yorme [Mayor Isko Domagoso] a month ago,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Batay sa anunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nagkasundo ang mga alkalde ng Metro Manila na gawing alas-dose hanggang alas-tres ng madaling araw ang curfew hours.
Ito ay upang bigyang daan ang mananampalataya na makadalo sa Simbang Gabi at Misa de Gallo, ang siyam na araw na paghahanda sa kapanganakan ni Hesukristo.
Ipatutupad ang revised curfew hours sa unang araw ng Disyembre batay na rin sa napagkasunduan.
Naunang nagpasa ng ordinansa ang lungsod ng Maynila noong Oktubre na hanggang alas tres ng umaga na lamang ang curfew bilang tugon sa kahilingan ng simbahan.
Ipinag-utos na rin ng arkidiyosesis sa mga nasasakupang simbahan na magdagdag ng oras ng mga misa sa simbang gabi at misa de gallo upang mabigyang pagkakataon ang iba pang mananampalataya na makadalo ng banal na misa.
Sa kasalukuyan ay nasa 30 porsyento pa rin ang pinapayagang makadadalo sa mga pagtitipon sa simbahan alinsunod sa panuntunan ng general community quarantine.