28,881 total views
Mga Kapanalig, nang arestuhin si dating Pangulong Duterte para humarap sa International Criminal Court (o ICC), bumuhos sa social media ang iba’t ibang opinyon at saloobin ng arting mga kababayan. Depende sa tinatawag na algorithm o ang pattern na nabuo batay sa mga binibisita nating posts sa social media, may mga diskusyong pabor at hindi pabor sa nangyari.
Sa mga hindi pabor sa nangyari sa dating presidente, napansin sa isang pag-aaral gamit ang artificial intelligence (o AI) na marami sa mga diskusyon ay gawa ng mga pekeng accounts. Ito ang natuklasan ng tech firm na Cyabra sa mga posts sa social media platform na X (na mas kilala noon bilang Twitter). One-third sa mga accounts na ipinagtatanggol si dating Pagulong Duterte at binabatikos ang ICC ay peke umano. Hindi raw totoong mga tao. May deliberate (o sadya) at organized (o organisado) na kampanya para palitawing mas nakararami ang pumapanig sa pangunahing arkitekto ng madugong kampanya kontra iligal na droga. Sa sobrang sopistikado ng kampanya, napakahirap daw malaman kung alin sa mga accounts ang totoo o alin sa mga ito ang peke.
Sa isang hiwalay na pag-aaral para sa Reuters, lumabas na halos kalahati—o 45%—ng mga diskusyon online tungkol sa tapatan ng mga Marcos at Duterte, lalo na ngayong eleksyon, ay gawa ng mga “inauthentic accounts.” Ang mga pekeng accounts na ito ay kinabibilangan ng mga tinatawag na sock puppets, avatars, at bots. Muli, mga hindi totoong tao.
Nakababahala ito, mga Kapanalig.
Maraming oras ang ginugugol ng mga Pilipino sa social media. Sa isang araw, tayo raw ay nakababad sa internet sa loob ng halos siyam na oras. Mas mahaba ito sa global average na anim at kalahating oras lamang. Tatlo’t kalahating oras naman ang average para sa panahong ginagamit natin sa social media. Maliban sa entertainment o libangan, sa social media na nagbabasa ang marami sa atin ng balita tungkol sa mga nangyayari sa ating bansa.
Kaya kung marami sa mga naglipanang accounts sa social media ay peke, marami ang nakatatanggap sa atin ng kaduda-dudang impormasyon. Hinuhubog ng mga impormasyong ito ang ating mga opinyon at saloobin. Kung hindi tayo marunong kumilatis kung alin ang mula sa mga accounts na peke at alin ang mula sa mga totoong tao, kakalat ang maling impormasyon. Marami ang maloloko. Marami ang magogoyo.
Ang Pilipinas nga ang itinuturing na “patient zero” ng disinformation—unang biktima ng sistemakong pagpapakalat ng maling impormasyon gaya ng mga fake news. Hindi ito nakaka-proud. Pero narito na tayo sa ganitong sitwasyon, kaya kailangan nating gawin ang lahat para mapigilan ang disinformation.
Ang nakalulungkot, ang mga nasa poder ang nasa likod ng malawakang panloloko. Ginagawa ito para siraan ang kanilang kalaban sa pulitika, itaas ang kanilang sarili sa mata ng publiko, at lituhin ang mga tao para hindi na sila makialam sa nangyayari sa kanilang paligid. Salungat ang mga ito sa mabuting layunin na nakikita ng ating Simbahan sa internet at social media. Sa sulat na pinamagatang Christus Vivit, sinabi ni Pope Francis na nagbibigay ang mga ito ng pagkakataon sa atin para makipag-usap sa iba, makipag-ugnayan sa ating kapwa, at makatanggap ng mahahalagang kaalaman. Magagamit ang internet at social media para makialam sa mga nangyayari sa ating bayan—at sa pulitikang kinokontrol pa rin ng mga makapangyarihan at impluwensya.
Mga Kapanalig, may kasabihan tayong ang lata ay mas maingay ‘pag walang laman. Ganito ang mga fake accounts sa social media. Huwag na natin silang i-share para hindi na lumakas pa ang ingay na ginagawa nila. Paalala nga sa Efeso 4:25, “itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa’t isa.”
Sumainyo ang katotohanan.