279 total views
Mga Kapanalig, may ilang iregularidad na nakita ang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun sa kanyang pag-iimbestiga sa labi ng mga napatay o pinatay sa mga police drug operations at ng mga vigilante. Ayon sa initial findings na inilabas noong isang linggo, sa death certificates ng pito sa 46 na biktima, natural causes ang inilagay na dahilan ng kanilang kamatayan gayong pinagpapatay sila o biktima ng homicide.
Ang imbestigasyong isinasagawa ni Dr. Fortun ay bahagi ng Project Arise, isang proyektong nagbibigay ng tulong pinansyal para sa cremation ng mga napatay o pinatay sa war on drugs. Malaking suliranin kasi ng mga naulilang pamilya ang pagkakapasό ng upa sa sementeryo kung saan nakalagak ang labi ng kanilang mga yumao. Ayon kay Fr. Flavie Villanueva, SVD, na nangunguna sa proyekto, limang taon lamang ang kontrata ng upa sa mga pampublikong sementeryo. Kung hindi makakapag-renew sa halagang ₱4,500 kada limang taon ang mga pamilya ng yumao, huhukayin ang kanilang labi at ilalagay sa isang mass grave.
Karamihan sa mga benepisyaryo ng proyekto ay mula sa mahihirap na pamilya. Sa katunayan, marami sa mga labing nasiyasat na ni Dr Fortun ay pasok sa karaniwang profile ng mga biktima ng war on drugs: mga lalaking mula sa mahihirap na lugar. Ayon kay Dr. Fortun, labimpito sa mga nasiyasat na niya ay walang trabaho noong nabubuhay pa sila, apat ay construction workers, at dalawa ay basurero. Aabutin ng ₱45,000 ang cremation ng bawat labi kaya nangangailangan ng donasyon ang Project Arise.
Ang mga napatay at pinatay sa ngalan ng war on drugs noong 2016 at 2017 o limang taon na ang nakalilipas ay ang mga pangunahing benepisyaryo ng proyekto. Pumayag ang mga kaanak ng biktimang bago i-cremate ang labi ng kanilang mga mahal sa buhay ay dumaan muna ito sa re-autopsy. Ayon kay Dr. Fortun, layunin ng imbestigasyong magkaroon ng tamang documentation sa mga pagpatay na ito. Para kay Fr. Flavie, makatutulong ito sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng war on drugs at sa kanilang pamilya.
Hanggang ngayon nanatiling mailap ang katarungan para sa mga biktima ng pagpatay sa war on drugs. Sa pitong libong opisyal na naitala ng pulisya at mahigit 30,000 na naitala ng human rights groups, isang kaso pa lamang ang nagkaroon ng pagdinig. Ito ay ang kaso ng binatang si Kian delos Santos sa Caloocan City kung saan nahatulan at nakulong ang mga akusadong pulis. Patuloy na nananawagan ng katarungan ang libu-libo pang namatayan ng mahal sa bahay dahil sa war on drugs.
Patuloy na nanindigan ang Simbahan: sagrado ang buhay ng tao. Lahat tayo ay nilikhang kawangis ng Diyos. Ang pagpatay ay tahasang pagsira sa magandang plano ng Diyos para sa bawat isa sa atin. Hindi kailanman magiging tama ang pumatay. Hindi kailanman magiging sagot ang karahasan sa mga problema ng lipunan. Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahan na hindi natin makakamit ang isang mapayapang lipunan kung hindi nakabatay sa paggalang sa dignidad ng tao ang mga patakaran at hakbang ng pamahalaan. Maituturing na isang malaking pagyurak sa dignidad ng mga biktima ng war on drugs ang ginagawang pagtatakip sa tunay na dahilan ng kanilang pagkamatay. Sa halip na bigyang katarungan ang mga biktima, pilit na ikinukubli ang kalapastanganang ginawa sa buhay ng tao.
Mga Kapanalig, katulad ng panawagan sa Isaias 1:17: “Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol Ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.” Sa muling pagkabuhay ni Kristo, nawa’y maging daan tayo ng pag-asa para sa mga biktima ng war on drugs. Samahan natin sila sa kanilang panawagan para sa katarungan.