218 total views
Dumagsa ang libu-libong mga mananampalataya sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion Manila Cathedral, sa unang araw ng pagdating dito ng incorrupt heart ni Saint Padre Pio.
Nakikiisa sa pananabik ng mga tao si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.
ikinatuwa ng Obispo ang mainit na pagtanggap ng mga mananampalataya kay Santo Padre Pio at pinasalamatan ang pagdating ng Santo sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, ang pananabik na ipinakikita ng mga mananampalataya ay tanda ng kagustuhan ng mga tao na maging malapit sa Diyos at malapit sa kabanalan.
“Nakikiisa po ako sa excitement ng mga tao at nakita ko yung mga tao excited na excited na dumalaw kay Padre Pio sa kanyang pagdalaw sa atin. Ito po’y nagpapakita na yung mga tao’y gustong maging malapit sa Diyos, gustong maging malapit sa kabanalan, at tayo po’y lumalapit kay Padre Pio. po sa kilalang kabanalan kaya nakaka excite na nandito tayo, maging kasama natin sya sa pamamagitan ng kan’yang Heart Relic.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, umaasa ang Obisp na lalo pang magpapasigla at magpapalakas ng pananampalataya ng mga Pilipino ang pagdalaw ni Padre Pio sa bansa.
Naniniwala si Bishop Pabillo na sa pinagsama-samang pananalangin ng mga Pilipino ay mas magiging matatag ang bawat katoliko sa pagtatanggol sa Simbahan at sa pananampalataya laban sa mga suliranin at eskandalong kinakaharap nito sa mundo.
“Sana mas maging matatag tayo bilang mga Katoliko na paninindigan natin ang ating pananampalataya at ang mga values ng pananampalatayang ito na sa gitna ng mga problema ng mundo, problema ng bansa, kahit na sa gitna ng mga eskandalo, hindi sana manghina ang ating pananalig na mahal tayo ng Diyos at siya’y tumutulong sa atin.” Dagdag pa ng Obispo.
Ang pagbisita ng incorrupt Heart ni St. Padre Pio sa Manila Cathedral ay bahagi ng Nationwide tour nito sa Pilipinas.
Mananatili dito ang puso ng Santo hanggang sa October 11 ng umaga, at matapos ito ay dadalin naman ang incorrupt heart sa Archdiocese of Cebu.