293 total views
‘Thou shall not kill’.
Ito ang panawagan ni Pope Francis sa kaniyang papal audience sa Vatican.
Ayon kay Fr. Gregory Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino at Radio Veritas Vatican correspondent ang mensahe ng Santo Papa ay hindi lamang ang literal na kahulugan na pagpatay ng tao kundi ang pagkakaroon ng galit sa kapwa.
Ito ay kaugnay sa pagpapatuloy ng katesismo ni Pope Francis na 10 ng utos ng Diyos at ang utos na Huwag kang Papatay!
“Sabi ni Pope, yung pagpatay ay hindi lang pagpatay ng buhay, sanggol, tao. Ito yung pagpatay natin ng dahan-dahan tulad ng pang-iinsulto, sinaktan ng ating mga salita. Hindi pagpansin o indifference, parang pinapatay na rin natin sila sa ating buhay,” paliwanag ni Fr. Gaston.
Paliwanag ni Pope Francis, maituturing din na pagpatay ang pang-iinsulto, pagbabalewala at kawalang pakialam sa kapwa lalu na sa mga naghihirap.
“Ayon kay St. Tomas pag-nagalit tayo, actually nagsisimula na tayong pumatay. Yung galit na dahil sa nainggit tayo. Kung sundan natin yung temptation na ‘yan, kung patuloy ‘yan galit, aabot yan hanggang sa pagpatay sa ating kapwa,” ayon pa kay Fr. Gaston.
Noong nakalipas na taon sa kauna-unahang pagdiriwang ng Vatican ng World Day of the Poor sinabi ng Santo Papa Francisco na ang kawalang pagmamalasakit sa kapwa ay isang malaking pagkakasala.
Dahil sa mga dukha ayon kay Pope Francis ay makikita ang presensya ng Panginoon na sa kabila ng pagiging Diyos ay nakisalamuha sa mga nangangailangan.
Sa Pilipinas, tinatayang may 12 milyong pamilya ang naghihirap o katumbas ng 60 milyong katao.