496 total views
Hinikayat ng iba’t ibang grupo ang publiko na piliin at ihalal ang mga kandidato ngayong nalalapit na eleksyon na nagpapakita at itinataguyod ang pagmamalasakit para sa kalikasan.
Ito ang layunin ng pagtitipon na pinamagatang “Pagninilay para sa Halalang 2022,” na isinagawa sa harapan ng Commission on Elections (Comelec) Headquarters sa Intramuros, Manila nitong April 12, 2022.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Caritas Philippines, EcoWaste Coalition, Miss Earth Foundation, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV- Archdiocese of Manila), at ang Samahan ng mga Mangangalakal ng Scrap sa Capulong.
Ayon kay EcoWaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero na sa papalapit na May 9, 2022 National and Local Elections, panawagan nito sa mga botante na ihalal na lider ng bayan ang handang ipagtanggol ang inang kalikasan laban sa iba’t ibang polusyon at unti-unting pagkasira.
“We need public servants who will fight corruption, garbage and pollution and stand for sustainable, zero waste and toxics-free development for all,” pahayag ni Lucero.
Pakiusap naman sa publiko ni Father Enrico Martin Adoviso, tagapangasiwa ng Archdiocese of Manila Socio-Political Advocacy (PPCRV-RCAM) na alalahaning mabuti ang karapatan at tungkulin ng bawat isa sa malayang pagboto upang isulong ang ikabubuti ng lahat, na nagpapakita rin ng paggalang sa sangnilikha.
“As good citizens of our beloved nation, let us forge unity and vote responsibly towards clean, honest, accurate, meaningful and peaceful (CHAMP) elections,” ayon kay Fr. Adoviso.
Inihayag din ni Fr. Antonio Labiao, executive secretary ng Caritas Philippines na bilang mga katiwala ng nilikha ng Diyos, ang bawat isa ay mayroong tapat na tungkulin upang maghalal ng mga opisyal na mangunguna sa pagpapanumbalik at pangangalaga sa napinsalang kapaligiran.
“Our failure to do so will make it ever more difficult for our communities and our country as a whole to overcome the environmental challenges before us,” saad ni Fr. Labiao.
Nagtapos ang pagtitipon sa pamamagitan ng panalanging inilunsad ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa mapayapa at malinis na halalan ngayong Mayo 2022