163 total views
Ikinatuwa ni CBCP NASSA at Caritas Philippines Exec. Secretary Rev. Fr. Edwin Gariguez ang bukas na pagtanggap ng mga bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Agrarian Reform sa Simbahang Katolika lalo’t higit sa mga mahihirap na pangunahing nagdurusa sa epekto ng climate change.
Ayon kay Fr. Gariguez, mahalaga ang gampanin ng dalawang departamento sa buhay ng mga mahihirap at sa kalikasan kaya naman kinakailangang tunay na may puso at malasakit ang mga ito para sa ikabubuti ng nakararami.
Dahil dito, pinuri din ng pari ang mahusay na pamimili ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kalihim na itinalaga nito sa dalawang departamento.
“Isa sa ikinatutuwa natin sa bagong administrasyon ay ang pagbibigay sa atin ng mga sekretaryo lalo’t higit sa departamento ng DENR at ganun din sa DAR, dahil ito’y mga mahahalagang opisina para sa mga mahihirap at ganun din sa kalikasan, na talaga namang may puso at malasakit para sa mga mahihirap at sa kalikasan,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Gariguez sa Radyo Veritas.
Ang kalihim ng DENR na si Secretary Regina Lopez ay kilala sa kanyang adbokasiya laban sa mapang-abusong mga minahan, samantala si DAR Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano naman ay dating Chairman ng Kilusang magbubukid ng Pilipinas.
Kapwa nangako ang dalawa na lagi nitong isasaalang- alang ang kapakanan ng mga mahihirap.
Sa first Quarter ng 2016, lumabas sa Social Weather Stations survey na may 10.5milyong bilang ng pamilyang Filipino ang naniniwalang sila ay mga dukha.
Samantala, sa Laudato Si ni Pope Francis, ikinalungkot ng Santo Papa na ang mga mahihirap nating kababayan ang pinakamahina at unang naaapektuhan ng mga pagbabagong nagaganap sa ating kalikasan.