409 total views
Mga Kapanalig, nakababahala ang mga balita kamakailan tungkol sa mga kababayan nating nire-recruit upang maging scammers sa ibang bansa.
Sa isang privilege speech, isiniwalat ni Senadora Risa Hontiveros ang modus operandi ng isang sindikatong sangkot sa human trafficking. Gamit ang testimonya ng 12 Pilipinong nasagip mula sa sinasabing sindikatong nag-o-operate sa bansang Myanmar, sinabi ng senadorang may isang mafia na kinakasangkapan ang mga kababayan nating magagaling magsalita ng Ingles upang mambiktima ng mga mayayaman sa bansang iyon. Pinangakuan ang mga kababayan nating magtatrabaho sila bilang mga call center agents sa Thailand, ngunit pagdating nila roon, dinala raw sila ng mga tauhan ng mafia sa Myanmar upang gawing mga scammers gamit ang tinatawag na cryptocurrency. Ang nakababahala pa, kapag bigo ang mga na-recruit na makapambiktima, hindi sila pinakakain at hindi sinisuwelduhan. Ilalako rin silang parang mga kalakal sa ibang kompanya at pagbabantaan pa ang kanilang buhay.
Binabantayan din ng Department of Migrant Workers (o DMW) ang mga katulad na kaso ng human trafficking sa Cambodia at Laos naman. Cryptocurrency scam din ang ipinagagawa sa mga Pilipinong inakalang magtatrabaho bilang mga data encoders o customer service relations na susuweldo ng ₱40,000 bawat buwan. Iyon pala, gagamitin sila sa pang-i-scam gamit ang mga online dating apps. Mangpapanggap silang ibang tao upang manloko at kumbinsihin ang kanilang biktimang mag-invest.
Agad ngang nakasabay ang mga masasamang-loob sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya, ngunit patuloy ang kanilang pananamantala sa mga kababayan nating naghahanap lamang ng trabahong inaasahan nilang magbibigay sa kanila ng maayos na buhay. Makabago na ang mga paraan ng pambibiktima ng mga human traffickers at ang krimeng nais nilang ipagawa sa ating mga kababayan. Kaya dapat ding mabilis makaangkop ang ating mga patakaran at ang mga tagapagpatupad ng batas sa teknolohiya nang hindi sila mapag-iwanan ng mga dapat habulin at papanagutin.
Hindi na bago ang human trafficking sa kuwento ng ating bayan. Marami na tayong mga kapatid—lalo na ang mga babae at bata—na dinadala sa iba’t ibang lugar upang maging mga manggagawang hindi binabayaran nang tama o kaya naman ay upang sekswal na pagsamantalahan. Kabilang sila sa 25 milyong biktima ng human trafficking sa buong mundo, ayon nga sa International Labor Organization.
At nakakabit ang krimeng ito sa kahirapan at katiwalian, mga problemang dapat ding seryosohin at tugunan. Marami ngayon ang naghahanap ng trabaho kaya ang anumang oportunidad na makita nila, kahit pa ang mga iniaalok ng mga human traffickers, ay kanilang kakagatin. Hindi rin imposibleng may mga nakikinabang sa mga iligal na gawain ng mga human traffickers kaya’t mabilis na nakalalabas ng bansa ang mga biktima. Kaya naman, hindi sapat na paalalahanan lamang ng pamahalaan ang mga kababayan nating maging maingat sa mga nagre-recruit. Dapat nitong unahan ang mga human traffickers.
Inilarawan ni Pope Francis ang human trafficking bilang “crime against humanity”. Ipinagkakait kasi nito sa mga biktima ang kanilang dignidad bilang tao dahil itinuturing lamang silang mga kasangkapan, mga bagay na maaaring ibenta at idispatsa kapag hindi na sila mapakikinabangan. Ang human trafficking ay pang-aapi din sa dukha, at ang umaapi sa mahirap, ayon nga sa Mga Kawikaan 14:31, ay humahamak sa Maykapal. Kaya sa abot ng ating makakaya, kumikilos din tayo sa Simbahan upang labanan ang human trafficking.
Mga Kapanalig, huwag sanang matulad ang isyung ito ng human trafficking sa ibang mga balitang nabaón na sa limot. Inaasahan natin ang tuluy-tuloy na pagbabantay ng ating mga mambabatas, katulad ni Senadora Hontiveros, at ng mga ahensya ng pamahalaan, lalo na ng DMW, sa pangunguna ni Secretary Toots Ople. Ang makabagong uri ng pananamantala ng mga human traffickers ay nangangailangan din ng makabagong pagtugon.