662 total views
Ang makabagong teknolohiya at paraan ng komunikasyon ay maaaring maging epektibong kasangkapan ng kabanalan at ebanghelisasyon kung ang pundasyon ay ang pag-ibig kay Hesus.
Ito ang pagninilay ni Diocese of Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. kaugnay sa pagiging isang ganap na Beato ni Blessed Carlo Acutis.
Ayon sa Obispo na siya ring Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Communications, ang buhay at kabanalan ng 15-taong gulang na Italyano na si Carlo Acutis ay isang napapanahong katibayan na ang lahat ay maaaring maging banal.
Inihayag ni Bishop Maralit na si Blessed Carlo Acutis din ang nagsisilbing patotoo na maging ang mga kabataan sa kasalukuyang makabagong panahon ay maaaring maging banal.
“Si Carlo Acutis ang napapanahon na pruweba na ang lahat talaga ay pwede maging banal at kahit ang makabagong teknolohiya at pamamaraan ng komunikasyon ay pwedeng maging instrumento ng kabanalan kung ang magiging pundasyon ay ang pag-ibig kay Hesus at ang pagmamalasakit sa kapwa. Isa siyang konkretong halimbawa ng kabanalan para sa mga kabataan ng makabagong panahon.”pahayag ni Bishop Maralit sa panayam sa Radio Veritas.
Pinangunahan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang beatification ni Blessed Carlo Acutis ang 15-taong gulang na Italyano na ginamit ang kanyang kaalaman sa teknolohiya at internet sa pagpapalaganap ng mabuting salita ng Diyos hanggang sa pumanaw dahil sa kanyang sakit na leukemia noong 2006.
Si Blessed Carlo Acutis ang tinaguriang unang millenial na na-beatify at isa ring huwaran para sa makabagong pamamaraan ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos.
Bago pumanaw noong ika – 12 ng Oktubre taong 2006 ay ini-alay ni Blessed Carlo Acutis ang kanyang buhay para sa Diyos at sa Simbahang Katolika sa pamamagitan ng pagsusumikap na maipalaganap ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan ng pakikipagkomunikasyon gamit ang internet.
Ang beatification sa batang Beato ay isang mahalagang hakbang para maging isang ganap na santo at isang pagkilala ng Simbahan na tunay ng nakapasok sa langit ang isang indibidwal.