322 total views
Mabilis ang pag-unlad ng panahon gamit ang mga makabagong teknolohiya.
Ayon sa Apostolic Letter ni Saint John Paul II na THE RAPID DEVELOPMENT, ang mga pagbabago sa teknolohiya lalo sa larangan ng pamamahayag ay sumasagisag ng paglago ng lipunan.
Sinabi naman ni Fr. Gerald Borja, CM-executive director at Philantrophic Development Director ng Vincentian Foundation na dapat gamitin ang mga pag-unlad ng teknolohiya sa mga proyekto ng Simbahan upang mas maraming mamamayan ang matutulungan sa pamayanang kinabibilangan.
Sa ginanap na pagtitipon noong ika – 22 ng Pebrero sa Santuario de San Vicente de Paul sa Tandang Sora na pinamagatang ‘Social Commerce and Crypto Philantrophy’ nakikita ni Fr. Borja ang lawak ng maaaring maitulong ng makabagong teknolohiya sa pagpapaigting ng mga proyekto ng Simbahan para sa mga dukha sa lipunan.
Tinalakay dito ang Philantrophic Development Office, programang naglalayong makabubuo ng pangmatagalan, tuloy-tuloy at sistematikong mapagkukuhanan ng pondo para sa pagpapaunlad ng isang komunidad o institusyon.
“Beyond measure yung pwedeng maitulong nito [PDO] sa ating Simbahan,” bahagi ng pahayag ni Fr. Borja sa Radio Veritas.
Adhikain ng PDO sa pangunguna ng Spring Rain Global Consultancy Inc. na mag-organisa ng community-based fund raising program sa tulong ng mga individual donors, korporasyon, malalaking organisasyon at foundation na tulad ng Simbahang Katolika ay nagnanais makatulong sa mga mahihirap.
Giit ni Fr. Borja, malawak ang network ng Simbahan at kung magtutulungan ang bawat isa mapabilang sa iisang ecosystem ang mga donors, hindi lamang iisang grupo ang matutulungan kundi lahat ng mga grupo at institusyon na nangangailangan ng tulong ay makapakinabang din.
“Kung ma-maximize natin ito in terms of yung network na makakapagdonate ng maliliit na mga bagay para sa charity malaking tulong ‘yan sa mga services ng Simbahan,” dagdag pa ni Fr. Borja.
500 YEARS OF CHRISTIANITY
Sinabi pa ni Fr. Borja na kung maisakatuparan ang mga pagtulong sa lipunan ay maging mas mapalapit ang Simbahan sa bawat mamamayan.
Ayon sa pari, bagamat mahalaga ang mga liturhikal na paghahanda at pagdiriwang para sa ika-5 sentenaryo ng Katolisismo sa Pilipinas, marapat ding bigyang pansin ang direkta at praktikal na pagtulong sa mga dukha na maiangat ang antas ng pamumuhay.
“Ako bilang Pari mas magiging meaningful ang celebration ng 500 years pag mas maging visible tayo [Simbahan] sa mga mahihirap na may practical na tulong tayo para sa mga mahihirap,” ani ng Pari.
Sa pagtutulungan ng PDO at ng Fanfare Global bukod sa mga produkto na maaring makatulong sa mga institusyong pangkawanggawa, mayroon din itong mga service providers o magbibigay pagkakataon sa mga skilled workers na maipakita ang talento sa komunidad na maging daan upang magkaroon ng kabuhayan ang isang indibidwal.
Saad pa ni Fr. Borja na sang-ayon sa pahayag ni Saint Vincent na ‘go to the poor and you will find God’ malaking bagay ang pakikisalamuha ng Simbahan sa mahihirap na komunidad upang higit na maipakilala ang Panginoon sa kanila.
“Itong 500 years bilang Kristiyano nakapakagandang pagkakataon ito na kung mas maging present ang Simbahan, mag-iinvest ang Simbahan para sa mahihirap tingin ko magkakaroon tayo ng institutional conversion,” pahayag ni Fr. Borja.
GAWAIN NG SIMBAHAN
Ibinahagi ni Fr. Borja sa Radio Veritas na inuuna ng Vincentian Foundation ang mga taong walang tahanan na masisilungan kung saan sa plosiya at sistema ng PDO sa kanilang foundation kalahati ng kikitaing pondo rito ay mapupunta sa pagbili ng mga lupa upang patayuan ng mga pabahay para sa mamamayang nangangailangan ng masilungan.
Kasalukuyang may 50 bamboo houses ang naipatayo ng foundation sa Bagong Silangan para sa mga pamilya kasama ang mga kabataan.
Bukod sa pabahay ay binibigyang pansin din ng Vincentian Foundation ang mga kabataan may espesyal na pangangailangan, mga matatanda lalo na ang mga napapabayaan at mga katutubong komunidad sa buong bansa na iniikutan ng mga programa ng foundation.
Maliban pa sa mga gawain ng foundation, may iba’t ibang programa rin ang Simbahang Katolika para sa mga mahihirap tulad ng Caritas Manila ng Arkidiysosesis ng Maynila na may mga programa para sa mga nag-aaral, maliliit na negosyante at pagbibigay ng libreng pagsasanay sa mga mamamayan para sa kabuhayan.