192 total views
Mga Kapanalig, matatandaang sa isang debate ng mga tatakbo noon sa pagkapangulo, umani ng palakpakan si Digong Duterte dahil sinabi niyang handa raw niyang isakripisyo ang kanyang buhay para sa bayan. Sasakay daw siya ng jet ski at magtitirik ng watawat ng Pilipinas sa Scarborough Shoal kung hindi kikilalanin ng China ang pasya ng Permanent Court of Arbitration na nagsasabing walang batayan ang nine-dash line na ginagamit ng China upang angkinin ang mga islang nakapaloob sa ating teritoryo.
Isa iyon sa mga maraming hyperbole o eksaherasyon ng sikat nating pangulo, at sinabi niyang paraan lamang iyon ng pagbibigay-diin sa kanyang pangakong hindi niya isusuko ang pag-angkin ng ating bansa sa mga pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea. At siya na mismo ang nagsabi: kalokohan lamang daw ang pagsakay niya sa jet ski.
Isantabi natin ang tungkol sa jet ski at subukan nating seryosohin ang sinasabi niyang pagmamahal sa bayan, isang katangiang nakita ng 16 na milyong ibinoto si “Tatay Digong”. Handa nga raw siyang mamatay para sa teritoryo ng Pilipinas, ayon sa tagapagsalita ng pangulo noong nakaraang linggo.
Ngunit si Pangulong Digong na rin ang nagsabi: maituturing na “co-ownership” ang alok ng China na joint exploration sa West Philippine Sea. Pilipinas at China raw ay kapwa may-ari ng mga isla at katubigan. Sa halip na igiit daw natin ang pagmamay-ari sa mga isla sa loob ng ating exclusive economic zone at makipag-giyera sa isang bansang kasinlaki ng China, mas mainam daw na makipagtulungan sa China.
Kumbaga sa magkapitbahay, kung may isang nakakita ng mabungang puno sa iyong bakuran, siguro ay bibigyan mo siya ng ilang bunga kung ito ay makikiusap na matikman ang prutas ng iyong puno. Ngunit paano kung gusto pala ng kapitbahay mong angkinin ang puno? Aalma ka siyempre. Subalit mapilit ang iyong kapitbahay at nagiging agresibo na ito upang maangkin ang iyong puno. Idinulog mo ang isyung ito sa inyong barangay na nagsagawa ng pagdinig hanggang sa atasan nito ang iyong kapitbahay na igalang ang iyong pagmamay-ari sa puno. Ngunit talagang mapilit ang iyong kapitbahay, at nagtali ito sa iyong puno ng mababangis na aso upang hindi mo ito malapitan. Susuko ka na lang ba dahil ayaw mong makagat ng aso? O iisipin mo rin bang magpakawala rin ng mga asong aatake sa mga aso ng iyong kapitbahay?
Kung si Pangulong Digong ang tatanungin, baka hahayaan na lamang niyang pakinabangan ng iyong kapitbahay ang puno, sa pag-asang bibigyan ka rin ng ilang bunga ng itinanim mong puno. Wala rin naman daw maibabatbat ang iyong mga aso sa mga aso ng iyong kapitbahay. Hindi niya maiisip na iakyat ang kaso sa hukuman dahil suko na siya sa aso ng kapitbahay.
Magandang katangian para sa ating mga Kristiyano ang pagiging mababang-loob at mapagkumbaba. Ngunit iba ito sa walang kibong pagtiklop sa mga tao o grupong walang ibang layunin kundi ang abusuhin ang kanilang kapwa upang sila’y maging malakas at makapangyarihan. Hindi rin naman natin hinihikayat ang pagiging agresibo laban sa mga agresibo sa atin, hindi tayo humihiling na makipag-giyera sa iba. Naniniwala tayong may mapayapang solusyon sa anumang hidwaan at upang maigiit natin ang ating mga karapatan nang hindi inaapakan ang ating dignidad.
At ganito rin sa ugnayan natin sa ibang bansa. Wala tayong nakakamit sa pakikidigma, ngunit kung titiklop na lamang tayo sa kagustuhan ng ibang bansa dahil minamaliit natin ang ating kakayahang pumasok sa negosasyong mahinahon at nakabatay sa katwiran at ebidensya, hindi ba’t interes ng mas malaking bansa ang ating isinusulong sa halip na ang interes ng ating bayan. Sa tingin mo, Kapanalig, kaninong interes ang naisusulong kapag hahayaaan nating maging “co-ownership” ang tinatawag ng pamahalaang joint exploration sa China?
Sumainyo ang katotohanan.