3,549 total views
Makadaupang palad si Pope Francis, biÿaya sa mga opisyal ng CBCP-ECL
Nagpapasalamat ang lay ministry ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa pagkakataong personal na makadaupang palad ang Kanyang Kabanalan Francisco sa Roma.
Pinangunahan ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg – chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang pagdalo sa International Conference of Pastors and Lay Faithful sa Vatican noong ika-16 hanggang ika-18 ng Pebrero, 2023.
Kasama ni Bishop Macaraeg sa pagtitipon si Bro. Raymond Daniel Cruz, Jr. – National President ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na nagsisilbing implementing arm ng mga programa at misyon ng kumisyon.
Itinuturing ni Cruz na isang pambihirang biyaya at karanasan ang malapitan at makamayan ang Santo Papa Francisco na nagsisilbing pinunong pastol ng Simbahang Katolika.
“Ang tagal ko pong pinangarap ito. Malapitan at makamayan si Pope Francis. Nagsubmit po kami (LAIKO and WeGen Laudato Si) ng Laudato Si’ Action Report at naging interisado po ang Santo Papa. Thank you Lord for allowing me to meet you Vicar!” pahayag ni Cruz,
Bukod sa personal na pakikibahagi sa pagtitipon na pinangunahan ng Santo Papa Francisco ay nagkaroon din ng pagkakataon si Bishop Macaraeg at Cruz upang personal na maibigay kay Pope Francis ang kopya ng LAIKO’s and WeGen Laudato Si’s Action Report na isang kongretong pagtugon ng Simbahan at ng layko sa Pilipinas sa panawagang pangangalaga sa kalikasan.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na nagsisilbing implementing-arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity ay binubuo ng mahigit sa 50-organisasyon ng Simbahan sa buong bansa.