169 total views
Mga Kapanalig, naisabatas sa unang bahagi ng taóng ito ang “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act” o Republic Act No. 11524. Itinatatag ng batas na ito ang isang trust fund para sa 3.5 milyong magniniyog sa bansa. May kabuuang 100 bilyong piso ang trust fund—75 bilyong piso ang ipapamahagi bilang cash habang ang natitirang 25 bilyong piso ay para sa assets. Isinasaad sa batas na mahigit limang bilyong piso kada taon ang ilalabas ng Philippine Coconut Authority (o PCA) upang magamit ng sektor.
Magandang balita ang pagsasabatas ng RA No. 11524 para sa mga magniniyog na nagbayad ng buwis o ng tinatawag na coco levy fund simula pa dekada ‘70. Matagal na silang umaasa sa pangako ng pamahalaang ang pondong naipon mula pa noong panahon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ay magagamit para sa kapakanan nila, ng kanilang pamilya, at komunidad. Noong 2012, matapos ang 40 taon, nagdesisyon ang Korte Suprema na ang tunay na may-ari ng coco levy fund ay ang mga magsasaka satulong ng pamahalaan, hindi ang pinaniwalaang may-ari at nauna nang nakinabang na mga pribadong kompanyang pag-aari ni Eduardo “Danding” Conjuangco, Jr., ang yumaong crony ng diktador na si Marcos.
Gayunman, tila pinagkait ng bagong batas ang puwang para sa makahulugang pakikilahok ng mga magsasaka sa pagpapasya kung paano gagamitin ang kanilang pondo. Ayon sa batas, ang mangunguna at mamamahala sa paggawa at pagpapatupad ng plano para sa industriya ng pagniniyog ay ang pamunuan ng PCA. May isang komiteng bubuuin na may anim na kinatawan mula sa pamahalaan, at tatlo lamang sa hanay ng mga magsasaka o tig-isang kinatawan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Mayroon ding isang Trust Fund Management Committee na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa tatlong kagawaran, at wala ni isang kinatawan ang mga magsasaka. Noong 2019, naaprubahan sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kaparehas na panukala kung saan ang representasyon ng mga magniniyog sa isang Coconut Farmers and Industry Trust Committee ay anim o dalawang kinatawan mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ngunit na-veto ni Pangulong Duterte ang panukala dahil daw sa kakulangan nito ng mga vital safeguards.
Limang dekada nang ipinaglalaban ng mga magniniyog ang coco levy. Sa wakas, nagkaroon na ng batas, ngunit nabawasan sila ng representasyon sa komiteng magtitiyak na ang pangunahing makikinabang ay ang kanilang sektor. Hindi tuloy maitago ang sama ng loob ng mga lider-magsasaka na wala na ngang naidagdag na safeguards sa naipasáng batas, kumitid pa ang puwang para sa pakikilahok ng malilit na magniniyog.
Hindi tapat ang RA No. 11524 sa prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan na people empowerment o pagbibigay-kapangyarihan sa taumbayan. Sabi nga sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate, ang mga programang pangkaunlaran ay nangangailangang bumabagay sa hinihingi ng pagkakataon, at ang mga taong makikinabang sa mga ito ay dapat na maging direktang makalahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga ito. Sa Populorum Progressio naman, sinabi ni Pope Paul VI na ang mga mamamayan mismo ang may pangunahing responsibilidad na kumilos para sa kanilang sariling paglago.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Lucas 6:20, “Pinagpala kayong mga dukha, sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos!” Ang paghahari ng Diyos ay madalas nating makita bilang isang patutunguhan, ngunit maaari rin itong maitatag sa kasalukuyan kapag kumikilos tayo para sa katarungan sa lipunan at pagbibigay-kapangyarihan sa mga isinasantabi, katulad ng mga magniniyog. Ang mga magniniyog, hindi ang mga taong gobyerno, ang tunay na may alam sa kanilang kalagayan at mga pangangailangan. Marami at malawak ang kanilang maibabahagi sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang sila ang unang-unang dapat na makinabang.